top of page
Search
BULGAR

Shopping center, gagawing vaccination center

ni Lolet Abania | May 26, 2021



Isang mall ang gagawing vaccination center ng lokal na pamahalaan ng San Juan City para ihanda sa pagbabakuna ng mga A4 priority list o economic frontliners at mga indigent na magsisimula sa Hunyo.


Ayon kay Mayor Francis Zamora, ang mga sinehan at iba pang stall sa Greenhills Shopping Center ang gagamitin para mas malaking lugar habang marami ang mababakunahan araw-araw.


“Ang Greenhills Shopping Center ang ating main commercial area sa ating lungsod at marami po sa A4 economic frontliners ay dito nagtatrabaho,” ani Zamora. Umaabot na sa 1,800 kada araw ang natuturukang indibidwal ng COVID-19 vaccines sa lungsod.


“They will simply walk dito sa ating Theater Mall, gagamitin natin ‘yung mga movie theaters, ‘yung mga areas ng shopping center na pinabakante muna natin for a while upang magsilbi bilang vaccination center,” sabi ni Zamora.


Ayon sa alkalde, dahil sapat pa hanggang sa loob ng 8 araw ang supply ng bakuna, tiwala siya na agad mabibigyan ng Department of Health ang San Juan City government ng karagdagang COVID-19 vaccines sakaling maubos na ito.


Matatandaang inanunsiyo ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 response na magsisimula ang pagbabakuna ng mga nasa A4 at A5 category o ang economic frontliners at mga mahihirap sa Hunyo.


Samantala, nasa 4,305,575 mamamayan na ang nabakunahan kontra-COVID-19. Sa bilang na ito, 3,318,646 ang naturukan ng first dose habang 986,929 ang nabakunahan ng second dose. Target ng pamahalaan na mabakunahan ang 58 milyong Pilipino para makamit ang herd immunity ng bansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page