ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 27, 2024
Photo: Aga, Mylene at Nadine - IG Aga Muhlach
Sayang at wala si Star for All Seasons Ms. Vilma Santos-Recto sa ginanap na special screening ng 50th MMFF entry ng Mentorque Productions at Project 8 Projects na Uninvited last Christmas Day sa Gateway Cinema, hindi tuloy niya narinig ang nagkakaisang papuri at positive feedback ng mga press people sa kakaiba at standout na acting nila nina Aga Muhlach at Nadine Lustre.
Heard na napagod at namamalat na naman si Ate Vi dahil sunud-sunod nga ang promo nila ng Uninvited bago pa nag-Pasko at sumama rin siya sa Parade of Stars, kaya maiintindihan din naman kung ipinahinga na niya ang Araw ng Pasko kasama ang buo niyang pamilya.
Ganunpaman, tiyak na ikatutuwa ni Ate Vi ang mga komentong wala pa rin talaga siyang kupas sa maemosyonal niyang pagbibitaw ng mga linya bilang inang puno ng galit at naghahanap ng katarungan para sa inabuso at pinatay na anak.
Maraming aktres ang puwedeng mag-deliver ng mga katulad na linyang binitawan ni Ate Vi sa Uninvited, pero kakaiba talaga ang suntok sa dibdib kapag ang Star for All Seasons na ang nagbitaw.
Tawa kami nang tawa sa katabi naming si Mareng Karen Martinez na parang batang nagtatakip ng mata at hindi kinaya ‘yung eksenang paulit-ulit-ulit-ulit na pinagsasaksak ni Ate Vi ang isa sa mga tauhan ni Aga. Ngayon lang kasi yata nagkaroon ng ganitong eksena si Ate Vi na talagang marahas at bloody, kaya nga naging R-16 ang rating ng MTRCB.
In fairness to Nadine Lustre, hindi siya nagpasapaw sa mga eksena nila ni Ate Vi. Ramdam talaga namin ang pag-level-up niya bilang aktres at pati sa pagde-deliver ng English lines, ang linaw magsalita ni Nadine, sosyal at hindi trying hard.
Medyo nabitin lang kami sa highlight scenes ni Nadine with Ate Vi and Aga respectively, puwede pa sanang mas nabigyan ng impact ‘yun kung nagkaroon ng emphasis sa back story ng relasyon nila ni Aga bilang mag-ama.
May bago namang ipinakita si Aga Muhlach bilang aktor na puwede rin palang kontrabida na tila may sayad at kung pumatay, parang manok lang ang tinitira.
Ngayon lang din namin siya narinig na namumutiktik ang bibig sa pagmumura ng P.I. at kung humalik ay hayok na hayok. Hahaha!
We wonder tuloy kung naka-ilang takes sila ni Mylene Dizon sa eksenang ‘yun kung saan very aggressive na Aga ang nakita namin. And we wonder too kung ano kaya ang magiging reaksiyon ng misis ni Aga na si Charlene Gonzalez at ng kanilang kambal na sina Andres at Atasha kapag napanood nila ang aktor sa mala-demonyong karakter nito.
Acting wise, magaling talaga si Aga. Medyo setback lang niya para sa amin ‘yung boses niyang pambagets pa rin ang tunog at parang ‘di sumabay sa pagtanda niya at sa pagiging dark ng kanyang character.
Magagaling din naman ang mga supporting cast at manggigigil ka kina Ketchup Eusebio, Cholo Barretto at Gio Alvarez na parang gusto mo silang padaanan ng bulldozer o ipakain sa dinosaur sa sobrang galit sa kanila. Hahaha!
Suspense-drama ang Uninvited at ito ‘yung tipo ng pelikula na ayaw mong mag-CR dahil sa bilis ng pacing, baka pagbalik mo ay may na-miss ka na.
Inamin naman ng Mentorque producer na si Bryan Dy na talagang binilisan nila ang pacing at iniklian ang movie kumpara sa Mallari ni Piolo Pascual last year para mas maraming screening schedule sa isang araw since 10 movies nga ang naghahati-hati sa mga sinehan.
At dahil may teaser scene sa huli, mukhang may part 2 pa ang Uninvited, ha?
Well, sayang at ‘di namin natanong tungkol dito si Sir Bryan Dy at maging ang direktor ng film na si Direk Dan Villegas.
Anyway, showing na ngayon sa mga sinehan at isa sa mga unang pinipilahan ang Uninvited.
Kasama rin sa cast sina Gabby Padilla, Elijah Canlas, Lotlot de Leon, RK Bagatsing, Ron Angeles, Lyn Cruz at Tirso Cruz.
Weder-weder lang talaga…
AGA, TAGILID KAY DENNIS SA PAGKA-BEST ACTOR
Magaling naman si Aga Muhlach sa Uninvited, pero nang mapanood namin ang Green Bones kahapon, diretsahan na naming sinasabi na may tulog si Aga kay Dennis Trillo.
Actually, kahit trailer pa lang ng GB ang napanood namin, na-feel na namin ang husay ni Dennis sa kanyang mga eksena, lalo na ‘yung duguan ang mukha niya sa loob ng kulungan.
Pero lalo kaming napabilib ni Dennis Trillo sa sobrang husay niya sa Green Bones nang mapanood na namin ang kabuuan ng pelikula.
Mata pa lang ng mister ni Jennylyn Mercado, umaarte na. Hindi na kailangang malukot
ang mukha niya para tumawid ang emosyon niya sa manonood.
At in fairness kay Ruru Madrid, ginulat niya kami sa Green Bones dahil hindi siya nagpahuli sa husay ni Dennis.
Kung sa Best Actor category ilalagay ng MMFF jurors si Ruru at hindi sa Best Supporting Actor, malamang na mag-tie pa sila ni Dennis sa 50th MMFF Gabi ng Parangal na gaganapin ngayong gabi, Dec. 27.
Well, tulad ni Ate Vi, wala na rin namang dapat patunayan ang isang Aga Muhlach. Nagkataon lang siguro na mas mabigat at may suntok sa dibdib ang role ni Dennis sa GB kesa sa role ni Aga na in fairness, first time rin naman niyang ginawa sa Uninvited.
Pasado rin naman sa amin ang acting ni Arjo Atayde sa Topakk, pero mas na-focus kasi ang movie sa hard action.
Kakaiba rin ang role ni Bossing Vic Sotto sa The Kingdom pero we'd say hindi pa ito ang right project para mapansin siya bilang Best Dramatic Actor.
‘Di pa namin napanood si Vice Ganda sa And The Breadwinner Is… so curious kami kung may laban siya kay Dennis Trillo. Or baka naman kay Ate Vi bilang Best Actress, ‘di kaya? Hahaha!
Well, ito ay base lang naman sa aming observation matapos naming mapanood ang mga naturang pelikula, kaya for you to have your own judgment, mas mabuting mapanood n'yo rin muna ang mga entries bago kayo humusga.
‘Yun na!
Comments