ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | December 20, 2020
Kahit pala kikay at jologs kumilos at magsalita si Hipon Girl Herlene Budol ng Wowowin, nasasaktan din siya kapag sobra na ang panlalait sa kanyang katauhan.
Nagiging sensitibo siya paminsan-minsan at hindi mapigil ang maawa sa sarili.
Kahit sanay na sanay na siya na pinagtatawanan sa kanyang mali-maling English kapag nagho-host ng Wowowin, may pagkakataon na pusong mamon din si Hipon Girl, lalo na kung wala siya sa mood na magpatawa.
Tulad na lang nang minsang mag-guest si Miss Manila Alexandra Abdon sa Wowowin na may pagkaprangka at taklesa. Nasampulan niya si Hipon Girl na hindi niya alam ay nasaktan sa kanyang wala sa lugar na pagbibiro.
Masakit sa loob ni Herlene na bansagan siyang Hipon Girl na katawan lang daw ang asset pero kapos sa ganda at talino.
Noong una ay kuwela sa kanya ang bansag na Hipon Girl dahil doon siya nakilala at sumikat. Idinadaan na lang niya sa biro at comedy 'pag tinatawag siyang Hipon Girl.
Pero, hindi sa lahat ng oras ay game siya sa bansag sa kanya, tulad nga ng ginawa sa kanya ni Ms. Manila Alexandra doon mismo sa Wowowin.
Pampalubag-loob na lang ni Herlene, mas maganda raw siya kay Ms. Manila, maganda na, sexy pa at malakas ang appeal sa masa.
In fact, may isang malaking movie outfit ang nag-aalok sa kanya ng pelikula at pinapipirma na siya ng kontrata.
Pero sa payo ni Willie Revillame na 'wag siyang magmadali dahil darating din ang tamang panahon para sa kanyang big break sa showbiz, hindi tinanggap ni Hipon Girl ang offer sa kanya na magbida sa pelikula.
Comentários