ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Pebrero 15, 2024
Isa sa mga usapin na kailangang tutukan ng ating gobyerno ay ang dumaraming bilang ng mga kabataang nagbubuntis habang sila ay nag-aaral.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, ito ay ating binibigyang atensyon at pinag-aaralan upang mas maintindihan at masolusyunan ang suliraning ito.
Sa paglobo ng bilang ng mga 15-taong gulang na nabuntis mula 2021 hanggang 2022, nais nating ipaalala ang mariing pangangailangan para sa epektibong pagpapatupad ng Comprehensive Sexuality Education (CSE). Dahil kahit na may polisiya na ang Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad ng CSE sa ilalim ng DepEd Order No. 31 s. 2018, dapat pa rin nating silipin at tiyakin na epektibo ngang naipapatupad ito sa mga paaralan.
Ang naturang DepEd Order ay alinsunod sa Responsible Parenthood and Reproductive Health Act (RPRH) of 2012 (Republic Act No. 10354). Ipinag-uutos ng batas na ituro ang tamang reproductive health education na naaayon sa edad sa mga basic education institution. Ipinasa rin nito sa DepEd ang tungkulin na bumuo ng kurikulum para sa public schools.
Inihain ng inyong lingkod ang Proposed Senate Resolution No. 13 na layong suriin ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng maagang pagbubuntis at mga kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa mga kabataan. Layon din nitong patatagin ang CSE ng DepEd. Sa 2024 national budget ng DepEd, hindi bababa sa P100 milyon ang inilaan sa ilalim ng Learner Support Programs para sa pagpapatupad ng Adolescent Reproductive Health Program.
Sa ulat kamakailan ng Commission on Population and Development (CPD) na sa pagitan ng 2021 at 2022, umakyat sa 3,135 o 35.13 porsyento mula 2,320 ang bilang ng mga 15-taong gulang na nanganak. Sinabi ni CPD Executive Director Lisa Bersales na habang nasa 0.22 porsyento lamang ng mga kabuuang live birth ang mga nabubuntis na nasa 14-taong gulang pababa, nakakabahala pa rin talaga itong paglobo ng bilang ng mga maagang pagbubuntis.
Ayon sa United Nations Population Fund (UNFPA), mas mababa ang tsansa ng mga batang nabuntis bago humantong ng 18-taong gulang na makatapos ng pag-aaral na nakakaapekto rin sa pagkakataon nilang makahanap ng mas magandang trabaho.
Ang maagang pagbubuntis ay nagdudulot din ng panganib sa kalusugan ng ina at anak.
Mataas din ang tsansa na mas matanda ang nakakabuntis sa mga batang babae, bagay na nagpapataas ng tsansang maging biktima sila ng karahasan sa kanilang mga tirahan.
Mahalagang masigurong nakikita nating nasa paaralan ang mga kabataang babae at natatanggap nila ang epektibong sexuality education para sa kanilang sapat na kaalaman at proteksyon. Ang pagprotekta sa kanila mula sa maagang pagbubuntis ay mabisang paraan upang sila ay maging matagumpay at produktibong miyembro ng ating lipunan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
תגובות