ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 30, 2024
Lubhang nakaaalarma ang natuklasan kamakailan na umentra na ang ilegal na aktibidad gamit ang delivery at transportation app na umano’y ginagawa na ngayong platform para sa sexual services imbes na sila ay maghatid ng mga padala o magsakay ng mga pasaherong nag-book sa kanila.
Ito ang nabunyag at nabatid ng mga otoridad sa Cebu City, kung kaya’t agad na ipinaalam nila sa kumpanya na nag-o-operate ng transportation app na aksyunan ang katiwaliang ito.
Ayon sa pamunuan ng Cebu City Council, nakatanggap sila ng intelligence report noong Oktubre pa ng nakalipas na taon hinggil sa umano’y mayroong mga driver ng Taxsee Philippines Inc., ang kumpanyang nag-o-operate para sa Maxim rides and food delivery, na ginagamit daw bilang platform para sa sexual services.
Nitong Enero 12, 2024, nagpadala ng kasagutan ang Taxsee Philippines Inc., na nilagdaan mismo ng kanilang presidente na si Andres Morales Jr., kung saan siniguro nito na gumawa na sila ng kaukulang aksyon para matigil ang sinasabing ilegal na gawain na lubhang nakasasama sa kanilang imahe. Ang kasagutan ay naisagawa ng kumpanya makaraang sulatan ng city council ng Cebu ang kumpanya noong nakaraang Oktubre.
Binanggit pa ng kumpanya na tinanggal na nila ang specific features sa transportation app partikular na ang “massage and spa” at “bike” options na siyang naging daan upang magkaroon ng umano’y katiwalian.
Sa isang resolusyon, napag-alaman ng council na maraming driver ng Maxim umano ang nakatanggap ng bookings mula sa mga users na humihiling ng sexual services.
Sa nasabing resolution, ang transport app ay mayroon umanong feature na kung saan ay pumapayag ang mga driver at pasahero na mag-usap sa pamamagitan ng phone calls at text messages upang makipag-coordinate sa booking details.
Sa naaprubahan pang resolution, ang illicit bookings na ito ay nakaaalarma na lubhang nagbabanta sa kaligtasan at seguridad ng mga rider na marangal na nagtatrabaho at hindi para makatanggap ng anumang illicit sexual favors.
Gayundin, sinabihan pa ng council ang naturang kumpanya na usisaing mabuti ang nabanggit na kaso upang malaman kung ano talaga ang nangyayari sa transportation app.
Ipinahayag naman ng Maxim na tinanggal na nila ang application noon pang Marso 15, 2023 at Mayo 23, 2023.
Sinabi ni Morales na ang mga gumagamit sa umano’y hindi tama at bawal na requests makaraan ang kanilang imbestigasyon at beripikasyon, ay kanila nang hinarang o nai-block sa paggamit ng nabanggit na transport app.
Kapag may natanggap umano ang mga delivery rider ng messages na tungkol sa sexual services ay sinabihan na nila ang mga ito na tanggihan ang booking at agad na mag-report sa kanilang opisina upang agad ding maaksyunan.
Idinagdag pa ni Morales na sa oras na matanggap ng kanilang customer service officers ang report, agad nilang tatawagan ang user para maberipika ang detalye ng reklamo at kapag na-verify naman na ang booking ay fraud at hindi para sa delivery services, agad nilang sasabihan ang user at bibigyan ng warning. Kapag umulit pa ito ay maaaring ma-deactivate at ma-delete ang kanilang accounts.
Mabuti naman at naaksyunan ang ganitong tiwaling sistema. Hindi pa natin alam kung mayroon nang ganitong sexual services na nagbo-book sa mga transport app sa kalakhang Maynila at dapat na magsagawa rin ng intelligence operations ang mga otoridad hinggil dito.
Naglipana ang mga tiwaling aktibidad at hindi talaga malayong gamiting platform ang transport app ng mga mayroong masasamang gawain katulad ng sexual services.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments