ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 6, 2022
Hinihimok ng inyong lingkod ang mga paaralan sa buong bansa na pairalin ang pagpapatupad ng programa para sa child protection upang labanan ang lahat ng uri ng pang-aabuso at karahasan sa kabataang mag-aaral, kabilang na ang sexual harassment.
Ito ay kasunod ng imbestigasyon ng Department of Education (DepEd) sa anim na guro na diumano ay nagsamantala sa mga mag-aaral sa Bacoor National High School sa Cavite. Kung matatandaan natin, nag-viral noong Agosto 28 ang social media post tungkol sa sinasabing naging karanasan ng mga mag-aaral. Magmula noong magsagawa ng imbestigasyon sa sinasabing insidente ay hindi na muna binigyan ng teaching load ang mga sangkot na guro, ayon kay DepEd spokesman Michael Poa.
Mariin nating kinokondena ang ganitong uri ng pang-aabuso at karahasan sa mga mag-aaral. Ang mga paaralan ay dapat nagsisilbing ligtas na espasyo, kung saan natin ipinagkakatiwala ang ating mga anak. Walang lugar sa kahit na anong learning institution ang pang-aabuso at karahasan at hindi dapat natin pinalalagpas ang mga ganitong masamang hangarin, lalo na kung ang kaligtasan at proteksyon ng ating mga anak ang nakasalalay.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education ay nais nating bigyang-diin ang mahalagang papel ng Child Protection Unit (CPU) ng DepEd na may mandatong bumuo ng mga polisiya para sa karapatan at proteksyon ng mga mag-aaral. Mandato rin ng CPU na bumuo at magpanatili ng mekanismo para sa pag-uulat at pagmo-monitor ng mga usaping may kinalaman sa proteksyon ng kabataan.
Kung pagbabatayan natin ang naging resulta ng National Baseline Study on Violence Against Children in the Philippines noong 2016, 17 porsyento ng kabataang may edad na 13 at hindi aabot sa 18 ang nakaranas ng karahasang sekswal. Nakakaalarma na limang porsyento ng mga karanasang ito ay naganap sa mga paaralan.
Sa pagpapatupad ng mga programa na may kinalaman sa pagbibigay-proteksyon sa kabataan, dapat pakilusin ng mga paaralan ang kanilang Child Protection Committees (CPC) na nilikha sa ilalim ng Department Order No. 40 s. 2021 o ang Child Protection Policy. Maliban sa paglikha ng polisiya hinggil sa proteksyon ng kabataan, mandato rin ng mga CPC ang pagtukoy sa mga mag-aaral na maaaring dumaranas ng pang-aabuso, pati na rin ang pag-ulat ng mga kasong may kinalaman sa pang-aabuso ng mga kabataang mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Commentaires