ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | December 27, 2022
Mahalaga ang pagbibigay-proteksyon sa kabataang mag-aaral. Kaya naman sa Senate Committee on Basic Education, patuloy ang pagpapaigting ng pagpapatupad ng sexuality education para sa patuloy na pagbaba ng bilang ng maagang pagbubuntis ng kabataan. Itong pagbaba ng teenage pregnancy ay isa sa mga naging benepisyo ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 o RH Law.
Sa isang forum na isinagawa ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development (PLCPD), United Nations Population Fund (UNFPA), at ng Commission on Population and Development (POPCOM), iniulat ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, na ang adolescent birth rate sa bansa ngayong taon ay bumaba na sa 25 kada 1,000 kababaihan, mas mababa sa naunang 2022 target na 37 kada 1,000 kababaihan. Sa kabila nito, sinabi ng opisyal ng DOH na nananatili pa ring mataas ang bilang ng mga teenage pregnancies o maagang pagbubuntis sa bansa.
Kung ating matatandaan sa mga nagdaang kolum, ibinahagi natin ang babala ng UNFPA na mas hirap makatapos ng pag-aaral ang kababaihang nagdalang-tao bago ang edad 18.
Sa kabila ng pagkakaroon ng Department Order (D.O.) No. 31 s. 2018 para gabayan ang pagpapatupad ng Comprehensive Sexual Education o CSE, pinuna ng UNFPA ang matagal na integration nito sa K to 12 curriculum. Lumabas din sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ang ilan sa mga kakulangan sa pagpapatupad ng RH education, kabilang ang hindi sapat na manpower, pasilidad, pagsasanay, instructional materials at iba pa.
Kaya kahit bumababa ang bilang kabataang nabubuntis, kailangang masuri pa rin natin kung paano natin tinuturuan ang kabataang kababaihan na iwasang malagay sa sitwasyon ng pagiging mga batang ina.
Kailangan ng mariing pagsusuri ng pamahalaan kung nakakapagpatupad nga ba ito ng epektibong sexuality education sa mga paaralan. Ang inyong lingkod ay naghain ng Proposed Senate Resolution No. 13 na layong repasuhin ang saklaw at pagiging epektibo ng kasalukuyang polisiya ng Department of Education (DepEd) sa CSE.
Mahalagang mapigilan natin ang paglobo ng bilang ng teenage pregnancies, lalo na’t ang mga batang ina ay madalas hindi nakakatapos ng kanilang edukasyon at napagkakaitan ng magandang kinabukasan. Tulungan at suportahan natin sila.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments