ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | February 23, 2021
Bilang chairman ng Committee on Basic Education, Arts, and Culture sa Senado, isinusulong ng inyong lingkod ang mas agresibong pagtugon ng ating pamahalaan para mapigilan ang pagdami ng mga batang ina at ang kanilang pagkakaipit sa tinatawag na “intergenerational poverty” o namanang kahirapan na madalas nararanasan sa mga minority groups o mahihirap na mga komunidad.
Matatandaan natin ang ulat ng Commission on Population and Development (POPCOM) na ang pagbubuntis ng mga menor-de-edad, lalo na ng may edad 10 hanggang 14 ay umakyat ng pitong porsiyento noong 2019 kumpara noong nakaraang taon.
Dahil sa pandemya ng COVID-19 ay posible pa ngang dumami ang kaso ng teenage pregnancy tulad ng naging karanasan sa mga lugar na dinaanan ng kalamidad. Noong tumama ang Bagyong Yolanda sa Eastern Visayas ay halos 24 porsiyento ng mga babaeng teenager sa rehiyon ang nabuntis, ayon sa pag-aaral ng Department of Science and Technology-National Research Council of the Philippines (DOST-NRCP).
Napapanahon na talaga ang edukasyon sa reproductive health kung saan ang mga paaralan at mga barangay ay may mahahalagang papel para maabot ang mga kabataan at kanilang mga magulang. Bukod dito, ang pananatili ng kabataang kababaihan sa mga paaralan ang isa sa mga pinakamabisang hakbang laban sa teenage pregnancy, lalo na at dito sila nakakakuha ng impormasyon at angkop na sexuality education.
Dapat nating bigyang-diin ang mahalagang papel ng mga magulang sa epektibong pagtalakay sa mga usapin ng reproductive health, lalo na’t itinuturing ang mga ito na maseselang paksa. Kaya isinusulong natin ang kanilang angkop na paggabay sa mga bata dahil hindi kaila na malaki at makabuluhan ang kanilang impluwensiya sa kanilang mga anak.
Mandato ng Republic Act No. 10354 ang pagkakaroon ng angkop na reproductive health education na layong maglatag ng mga usaping tulad ng proteksiyon sa sarili mula sa maagang pagbubuntis, pang-aabusong seksuwal, gender-based violence at responsableng pag-aasal.
Pero bago pa tumama ang pandemya sa ating bansa ay krisis nang maituturing ang pagdami ng mga kaso ng teenage pregnancy sa bansa. Sa ating pagtugon sa krisis na ito, kailangan nating tulungan ang mga kabataan at ang kanilang mga magulang sa pamamagitan ng mas pinaigting na mga programang pangkalusugan.
Kamakailan lang ay ating inihain ang Senate Bill No. 1985 na layong gawing institusyonal ang Parent Effectiveness Service (PES) Program sa bawat lungsod at munisipalidad. Hangad ng nasabing programa na paigtingin ang kaalaman at kakayahan ng mga magulang at mga parent substitutes sa pagbibigay ng kalinga sa kanilang mga anak, lalo na sa mga mahahalagang yugto ng kanilang edukasyon. Inaasahan natin ang pagsasabatas nito sa lalong madaling panahon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments