ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | December 1, 2020
Mahalaga ang papel ng comprehensive sexuality education sa mga paaralan upang labanan ang paglobo ng mga kaso ng teenage pregnancy.
Kaya noon pa man ay hinihimok na ng inyong lingkod na tiyakin ang agarang aksiyon para maiwasan ang pagtaas ng mga kaso ng ‘teenage pregnancy’ o maagang pagbubuntis sa mga lugar na nasalanta ng nagdaang mga bagyo. Isang halimbawa ay ang pagdami ng mga batang ina pagkatapos ng Bagyong Yolanda noong 2013 dahil marami ang nawalan ng tirahan at hanapbuhay at marami ang nanuluyan sa mga hindi permanenteng istraktura tulad ng evacuation at relocation centers.
Ayon sa pag-aaral ng Department of Science and Technology-National Research Council of the Philippines (DOST-NRCP), halos 24 porsiyento sa mga babaeng teenagers ang nabuntis noong humagupit ang nasabing bagyo sa Eastern Visayas. Lumabas din sa nasabing pag-aaral na halos 15 porsiyento naman ang muling nanganak nang sumunod na taon.
Ayon kay Dr. Gloria Luz Nelson na may akda ng naturang pag-aaral, ang mga batang may edad na 10 hanggang 19 ang humaharap sa pinakamatinding panganib sa mga relocation at evacuation centers, kung saan maaari silang pagsamantalahan at mabuntis.
Base sa National Demographic and Health Survey 2017, mas maraming panganib sa kalusugan ang idinudulot ng maagang pagbubuntis. Mas mahihirapan din ang mga batang ina na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral habang mas mataas naman ang tiyansang magkasakit o mamatay ang kanilang anak.
Isa pang posibleng sanhi ng pagdami ng mga batang ina sa bansa ay ang epekto ng pandemya ng COVID-19 na ayon sa datos ay maraming menor-de-edad ang nabibiktima ng karahasan sa sarili nilang tahanan dahil hindi makalabas para humingi ng saklolo.
Dahil sa suliraning ito, mahalagang mga hakbangin ang pagpapatuloy ng edukasyon, pati ang mga programa sa child protection at reproductive health. Dapat magsilbi nang hudyat ito sa mga ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang mga lokal na pamahalaan, na siguruhin ang proteksiyon ng kabataan, lalo na ng mga batang babae sa mga evacuation at relocation centers.
Upang maprotektahan ang mga mag-aaral at ang kanilang kinabukasan, kailangan nating tutukan ang bantang ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments