top of page
Search
BULGAR

Sex Education sa kabataan, solusyon kontra HIV at AIDS

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | December 15, 2022


Mariin nating iginigiit ang pangangailangan sa pagpapaigting ng comprehensive sexuality education (CSE), lalo na’t ang kaalaman ng kabataan pagdating sa human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS) ay nasa pinakamababang antas mula pa noong 1994.


Batay sa 2021 Young Adult Fertility and Sexuality Study (YAFSS) ng University of the Philippines Population Institute (UPPI), bumaba sa 76 porsyento ang bilang ng kabataan na edad 15 hanggang 24 na nakarinig ng tungkol sa HIV at AIDS o 19 percentage points mula 95 porsyento noong 1994.


Lumabas din sa naturang pag-aaral na nananatili ang maling paniniwala tungkol sa HIV at AIDS. Halimbawa, mahigit kalahati o 52 porsyento ng kabataang Pilipino ay naniniwalang maaaring maipasa ang HIV sa pagbabahagi ng pagkain ng pasyenteng may HIV. Dalawa naman sa bawat lima o 40 porsyento ang hindi naniniwalang maaaring magkaroon ng HIV ang taong mukhang malusog o healthy-looking.


Ipinakikita ng mga resultang ito ang kahalagahan ng pagpapatatag sa sexuality education, lalo na’t ang Pilipinas ay isa sa mga bansa may pinakamabilis na pagtaas ng mga bagong kaso ng HIV sa buong rehiyon ng Asia-Pacific. Mula 2010 hanggang 2020, tumaas ng 237 porsyento ang HIV incidence sa bansa, ayon sa Department of Health. Umakyat naman ng 315 porsyento ang bilang ng mga namamatay na may kaugnayan sa AIDS o 820 noong 2020 mula 200 noong 2010.


Inihain ng inyong lingkod ngayong taon ang Proposed Senate Resolution No. 13 upang masuri ng Senado ang patuloy na pagdami ng mga HIV infections at maagang pagbubuntis. Kasabay nito ang pagrepaso sa pagpapatupad ng CSE upang malaman kung epektibo ito.


Ayon pa sa DOH, noong 2020 ay may 115,000 katao sa bansa na may HIV at humigit-kumulang 90 porsyento ay batang kalalakihang nakikipagtalik sa mga kapwa nila lalaki. Babala ng DOH, aakyat sa 330 porsyento ang bilang ng mga HIV cases kung magpapatuloy ang kasalukuyang bilis ng pagkalat nito sa bansa.


Kung hindi natin mapapaigting ang kaalaman ng kabataan sa HIV at AIDS, hindi natin mapipigilan ang pagtaas ng mga bagong kaso sa ating bansa. Kaya naman bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, lalo nating kailangang patatagin ang sexuality education upang matulungan ang kabataan na magkaroon ng sapat na kaalaman at proteksyon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page