ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | August 13, 2022
Bilang lingkod-bayan, isinasabuhay natin ang panuntunan na dapat ang gobyerno at serbisyo ang lumalapit sa mga tao. Kaya naman, basta kaya ng oras, personal tayong nagtutungo sa mga komunidad para mamahagi ng ayuda.
Kapag personal nating napupuntahan ang mga lugar na pinagkakalooban ng tulong ay mas nakikita natin ang aktwal na sitwasyon. Nalalaman natin ang tunay na kalagayan ng ating mga kababayan.
Noong Agosto 11 ay bumiyahe tayo sa Maasin City, Southern Leyte para personal na magkaloob ng tulong sa 500 benepisaryo na mga TODA members. Nakisaya rin tayo sa kanilang cityhood anniversary celebration doon.
Samantala, kahapon, Agosto 12, sa Iloilo City naman tayo personal na namahagi ng ayuda sa mahigit 1,000 benepisaryo mula sa Guimbal at 500 sa San Joaquin.
Kamakailan ay binisita at nagbigayang-ayuda rin ang 1,000 residente ng Taytay, Rizal na ang kabuhayan ay apektado ng pandemya at iba pang krisis. Sinaksihan din natin ang pagkakaloob ng Original Certificates of Title sa 35 benepisaryo na miyembro ng Samahang Masigasig Tapayan Homeowners Association (SAMATHOA). Nakakatuwa na ngayon ay may sarili na silang pag-aaring lupa. Nawa’y magbigay-inspirasyon ito para pangalagaan ang kanilang lupa at maging daan para mas umangat pa ang kanilang buhay.
Tulad naman ng dati, maagap nating kinumusta ang mga biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog tulad ng 39 na pamilya sa Baseco, Manila City; 16 sa Pasig City; anim sa Las Piñas City; lima sa Maasin, Iloilo; at 200 pamilya sa Barangay Matina Aplaya, Davao City.
Ang mga kababayan nating patuloy na nahihirapan dahil sa pandemya at ibang krisis ay pinadalhan din natin ng tulong, tulad ng 1,000 benepisaryo sa Olongapo City, Zambales; 1,000 sa Dasmariñas City, Cavite; 1,000 sa Magsaysay, at 800 sa Salay sa Misamis Oriental; 789 sa San Miguel, Bohol; at 776 sa Malolos City, Bulacan.
Sa Nueva Ecija ay naayudahan natin ang 70 benepisaryo sa Carranglan; 60 sa District 1, Cuyapo; at 20 sa Talavera. Nabigyan din natin ng tulong ang 59 na madre sa St. Mary’s, Silang, Cavite.
Samantala, kaugnay pa rin ng ating tungkulin bilang Chair ng Senate Committee on Health, ipagpapatuloy natin ang pagsusulong na makapagtayo ng mas maraming Super Health Centers. Ito ay para dalhin natin ang serbisyong pangkalusugan na kailangan ng ating mga kababayan sa bawat sulok ng ating bansa.
Masaya nating ibalita na sisimulan na ang pagtatayo ng San Joaquin Super Health Center sa Iloilo na ating dinalaw, kahapon. Nauna rito, sinimulan na rin ang pagtatayo ng mga Super Health Centers sa Libungan at Banisilan, North Cotabato. Tuluy-tuloy ito sa iba’t iba pang sulok ng ating bansa.
Layunin ng mga centers na mas ilapit pa sa ating mga kababayan ang mga serbisyong medikal ng gobyerno, lalo na sa mga nasa liblib na lugar at pinakanangangailangan ng mga ito.
Ang Super Health Center po ay “improved version” ng rural health unit. Kabilang sa mga serbisyong ipagkakaloob nito ang database management, outpatient, pagpapaanak, isolation, X-ray at ultrasound. May sarili itong botika at ambulatory surgical unit.
Kabilang din ang eye, ear, nose and throat (EENT) service; oncology center; physical therapy at maging rehabilitation center. Mayroon din itong telemedicine kung saan puwedeng tumawag ang pasyente para ipaalam ang kanyang nararamdaman at malapatan ng lunas kung hindi siya agad personal na makakapagpa-checkup.
Isinulong natin ang pondo para rito na nagkakahalaga ng PhP3.6 bilyon sa 2022 Health Facilities Enhancement Program para makapagpatayo ng 305 Super Health Centers.
Ngayon ang tamang panahon para mag-invest sa healthcare system, lalo pa at maraming nauusong mga bagong sakit. Kailangang palagi tayong handa dahil hindi natin alam kung ano pa ang mga susunod na pandemya o banta sa kalusugan ng mamamayan. Sa pamamagitan ng Super Health Centers, kumpiyansa tayo na maibibigay natin ang pinakamagandang serbisyong pangkalusugan at de-kalidad na mga pasilidad sa bawat Pilipino.
Tulad ng madalas nating sabihin, prayoridad natin pangalagaan ang buhay, kaligtasan at kalusugan ng bawat Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments