top of page
Search

Serbisyong pangako ng telco, huwag munang asahan

BULGAR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 6, 2022


Ngayong nagsisimula na ang bagong administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. (PBBM), isa sa malaking suliraning kinahaharap ng bansa ay ang napakabagal na serbisyo ng internet na pangunahing kailangan sa ngayon sa lahat ng larangan.


Hindi natin maitatangging kaakibat na ng mga negosyo, edukasyon, pamilya at iba pang sektor na ang internet connectivity ay pangunahing pangangailangan para mapabilis ang lahat ng transaksyon na ating tinitiis ang napakabagal na serbisyo.


Sobrang bagal ng internet connectivity sa ating bansa kung ikukumpara sa ibang mauunlad na bansa, dahil sa 35.03 megabytes per second (MBPS) lamang ang average mobile download speed sa Pilipinas na halos kalahati ito ng global average na 63.15 MBPS base sa ulat ng network intelligence provider na ookla.


Base sa ookla speed test global index rankings, nasa ika-58 ang Pilipinas sa 182 bansa na may fixed broadband connection speed at nasa ika-91 naman tayo sa may 141 bansa kung mobile data ang pag-uusapan.


Maging ang nagdaang administrasyon ay nagsawa na sa pagbibigay ng babala sa dalawang telecommunications company dahil bukod sa napakabagal ay maraming lugar pa sa bansa ang wala pa ring koneksyon ng internet.


Ngayon heto, may bagong press release na mas bubuti umano ang internet connectivity sa Pilipinas sa oras na magsimula ang serbisyo ng Starlink Internet Philippines na kung tutuusin ay nakakatuwa, ngunit sa dinami-rami ng nangako sa atin ng ganito ay parang mahirap ng maniwala.


Sa totoo lang, hindi pa kumpleto ang detalye natin hinggil sa Starlink, ngunit nakamamangha ang inihahandog nilang serbisyo dahil kaya umano nilang ihataw ang average download speed ng Pilipinas sa pagitan ng 100 hanggang 200 MBPS.


Inuulit natin, hindi natin sinasabing hindi nila ito kaya, ang sinasabi lang natin ay mas malakas pa ang mga ipinangakong bilis ng mga naunang telco pero noong inilatag na ay wala namang naramdamang pagbabago kaya ang resulta ay kalungkutan lamang sa mga labis na umasa.


Kaya ngayong nandito na ang Starlink, magkahalong saya na may kasama pang panalangin na sana ay totoo ang serbisyong nais nilang ibigay at tinatayang magagamit ito ng publiko sa 4th quarter ng taong ito.


Itong Starlink ay pinagkalooban ng certification of accreditation bilang satellite system provider and operator ng Department of Information and Communications Technology (DICT) noong Mayo 20, 2022.


Kung ibabase natin sa kanilang press release, ang Starlink ay isang system of low orbit satellites mula sa kumpanyang Space X ni Elon Musk at ang kanilang serbisyo ay ginagamit na umano sa mahigit 30 bansa, partikular sa North America at Europe.


Naglabas naman ng resulta ng pag-aaral ang Ericsson, Arthur D. Little at Chalmers University of Technology, na malaki talaga ang ambag sa paglago ng ekonomiya ang maayos na broadband speed.


Tila nagkasundu-sundo rin ang may tatlumpu’t tatlong organization for economic and development countries na 0.3 porsyento ang iuunlad sa gross domestic product ng bansa kung maaasahan ang broadband speed.


Ang ating bansa ang may pinakamataas na porsyento ng internet users na nanonood ng vlogs bawat linggo na nasa 60.4 porsyento, nasa 51.4 porsyento naman ang internet users na naka-follow sa mga influencers sa social media, ayon naman sa report ng We Are Social at Hootsuite’s Annual Digital 2022.


Kung hindi na magkakaaberya at magtutuluy-tuloy ang pagpasok sa ating bansa ng US based na kumpanya ng Starlink ay malaking tulong ito sa maraming negosyo at kasalukuyang sistema ng edukasyon sa bansa.


Maging ang Cerexio, isang USA based technology think tank ay nagbigay ng patotoo na malaki ang maitutulong ng Starlink at inaasahan umanong ito na ang kokopo sa buong mundo pagsapit ng 2024 kung broadband speed ang pag-uusapan.


Dahil sa bilis umano ng communication na ipinagmamalaki ng Starlink ay magiging magaan ang pagpapatakbo sa mga negosyo tulad ng stock market at finance, video conferencing, online gaming, maritime, aviation, supply chain, warehousing at marami pang iba.


Nakatutuwang namnamin ang magagandnag dulot ng mabilis na internet connection na tinatamasa ng ibang bansa, lalo pa kung araw-araw tayong nai-stress dahil sa madalas ay palpak ang koneksyon ng internet sa bansa.


Kahit sa pagmamaneho patungong probinsya at ilalagay mo sa spotify o youtube ang iyong cellphone para makinig ng music ay hindi makukumpleto ang biyahe ng hindi ito mapuputol dahil sa dami pa ng lugar na walang signal.


Ngayon ay heto na ang Starlink, inuulit natin ang lahat ng magandang detalye na nakuha natin hinggil sa kumpanyang ito ay pawang galing lamang sa press release at magkakaalaman pa kung maisasakatuparan ba sa katotohanan ang sinasabi nilang bilis ng serbisyo.


Sabik na sabik ang Pilipino sa pagbabago kung bilis ng internet ang pag-uusapan at marami na ang nagtangka na solusyunan ito ngunit nananatiling kulelalat ang bansa hanggang sa kasalukuyan.


Ayokong maging kontrabida dahil hangad din naman nating gumanda na ang serbisyo ng internet sa bansa, ngunit tulad ng marami nating kababayan hindi rin ako umaasa hangga’t walang pruweba!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page