top of page
Search
BULGAR

Serbisyo publiko muna bago pulitika

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 10, 2021



Nitong mga nagdaang araw, inihayag ng ating mga kapartido sa PDP-Laban na ang inyong lingkod ang gusto nilang tumakbo bilang Pangulo sa susunod na halalan.


Napakalaking karangalan na mabigyan ng ganitong pagkilala ng ating mga kasamahan. Patunay din ito ng continuity na inaasam ng nakararami.


Ngunit, inuulit nating muli na hindi tayo interesadong tumakbo sa pagka-Pangulo sa darating na halalan. Nakatutok ang buong puso at isipan ko sa pagseserbisyo at wala tayong balak "makipagkumpitensiya" sa pinakamataas na posisyon sa ating bansa.


Unahin na lang ninyo ang mga may gusto. Ang mahalaga ay makahanap tayo ng katimbang ni Pangulong Duterte upang maipagpatuloy ang nasimulan niya at para mas lalong maramdaman ang tunay na pagbabagong ating natatamasa ngayon.


Kailangan natin ng taong may dedikasyon, determinasyon, at disiplina. Higit sa lahat, kailangan natin ng lider na may political will na buong pusong nagmamahal at may malasakit sa mga Pilipino. Kung sinuman ang ating mapipili, narito tayo para tulungan at suportahan siya.


Dahil sa krisis na ating hinaharap, napakalaking sakit sa ulo ito sa susunod na mamumuno sa bansa. Kaya dapat lamang na ipagpatuloy natin ang bayanihan — anumang partido, posisyon, o paniniwala natin. Kailangan nating magkaisa at magtulungan para masigurong walang maiiwan tungo sa muling pagbangon ng bansa.


Umaapela tayo sa lahat na sana’y respetuhin ang ating desisyon dahil wala naman tayong ibang hangarin kundi magserbisyo sa ating kapwa. Nakatutok tayo sa trabaho bilang mambabatas at tagapaglingkod ng bayan.


Nitong nakaraang linggo lamang, nag-abot tayo ng assistance sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog kasama na ang 114 pamilya sa Southcom Village, Zamboanga City; 24 pamilya sa Bgy. Comembo, Makati City; 18 pamilya sa Bgy. Alijis ng Bacolod City; halos 50 pamilya na naapektuhan ng kaliwa’t kanang sunog sa mga barangay Novaliches, Payatas at North Fairview sa Quezon City; isang pamilya sa Bgy. Pulang Lupa Dos sa Las Piñas City; 108 pamilya sa Mandaue City, 16 pamilya sa Sta. Cruz, Cebu City, siyam na pamilya sa Lapu-Lapu City, at pitong pamilya sa Bgy. Talomo, Davao City.


Nabigyan din ng ayuda ng ating tanggapan ang mga nasalanta ng baha, tulad ng libu-libong residente ng Mamburao, Sablayan, at Sta. Cruz sa Occidental Mindoro. Ganoon din ang mga nasa mahigit tatlong libong residente ng Himamaylan City, Negros Occidental.


Nag-abot din tayo ng tulong sa Bohol tulad sa mga bayan ng San Isidro, Clarin, Inabanga, Buenavista, Talibon, Getafe, Dagohoy, Danao, Trinidad, Sagbayan, San Miguel, Bien Unido, Ubay, at sa President Carlos P. Garcia. Sa Medellin, Cebu, nasa 631 na biktima ng baha ang nabigyan din ng tulong.


Iba’t ibang grupo rin ang nabigyan ng tulong na binubuo ng pagkain, food packs, masks, face shields, at vitamins, habang piling beneficiaries naman ang nakatanggap ng sapatos, computer tablets at bisikleta. Dagdag ito sa tulong na naipamahagi na ng mga ibang ahensiya ng gobyerno.


Kabilang sa mga sectoral groups na ito ang 6,359 beneficiaries ng Victorias City at 3,947 sa Bacolod City; 2,000 sa Don Salvador Benedicto, 3,009 sa Cauayan, 1,678 sa Sipalay, at 11,049 sa Hinoba-an, Negros Occidental. Aabot naman sa 262 college students sa Rodriguez, Rizal; 1,500 indigent recipients sa Calumpit, Bulacan; 1,000 na residente sa Davao City; 5,157 na mga residente ng Botolan, Zambales; at hindi bababa sa 10,000 benepisaryo na kinabibilangan ng TODA drivers, laborers, fisherfolks at vendors ang nabigyan ng tulong sa bayan ng Maimbug, Parang, Omar, Panglima Estino at Lugus sa Sulu. Nasa halos 10,000 micro-entrepreneurs din ang nabigyan ng ayuda ng aking opisina sa mga bayan ng Southern Leyte, partikular sa Silago, Hinundayan, St. Bernard, Liloan, Sogod, Malitbog at Limasawa.


Nagbukas din tayo ng ika-138 na Malasakit Center sa bansa na matatagpuan sa Sulu Sanitarium sa Jolo kung saan namahagi rin tayo ng tulong para sa 20 na indigent patients at 281 health workers.


Patuloy rin ang ating laban kontra pandemya. As of September 7, meron na tayong 36.64 milyong doses ng mga bakuna na naiturok sa mamamayan kung saan meron nang 21.09 milyong Pilipino ang may first dose at 15.54 milyong kababayan naman natin ang nakakumpleto na ng kanilang doses ng bakuna.


Para sa atin, ang tunay na pagseserbisyo ay hindi nakasalalay sa kung ano ang iyong posisyon. Kahit sa anong paraan o kakayahan, patuloy po nating tulungan ang kapwa natin dahil kailangan ang pakikiisa ng bawat Pilipino sa laban na ito.


Nakikiusap rin po ako, patuloy nating suportahan at mahalin si Pangulong Duterte na totoong nagmamahal sa ating kapwa Pilipino.


Having said these, again, I leave my fate to God, to the Dutertes, and to the Filipino people — hindi ko mararating kung ano ako ngayon kung hindi dahil sa kanila. Ibabalik ko sa inyo ang serbisyong dapat at ipapasa-Diyos ko na lang po ang lahat.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page