ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | March 15, 2023
Mahalagang tandaan nating lahat na ang mga halal na opisyal, sa national man o local, ay may iisang layunin— ang maglingkod sa taumbayan. Kahit may pagkakaiba ang ating mga posisyon at trabaho, isa lang ang ating layunin— ang mapabuti ang pamumuhay ng bawat Pilipino. Iisa ang ating bisyo, ang magserbisyo.
Noong Marso 10 ay dumalo tayo sa National Convention ng Philippine Councilors League.
Binanggit ko sa mga kapwa ko halal na opisyal na malapit sa aking puso ang mga isyung para sa kapakanan ng mahihirap. Inilahad ko ang mga hakbang na ating ginagawa para mailapit sa tao ang serbisyo ng gobyerno.
Bilang principal author at sponsor ng Republic Act 11463 o Malasakit Centers Act, nakita ko mismo ang paghihirap ng mga Pilipino sa pagkuha ng tulong medikal sa mga tanggapan ng gobyerno, lalo na ang mahihirap na hindi alam kung saan kukunin ang pambili ng gamot o pambayad sa doktor at ospital. Ito ang dahilan kaya itinaguyod natin ang Malasakit Centers program, na sa loob ng limang taon ay mayroon na ngayong 156 centers sa iba’t ibang rehiyon sa buong bansa, mula Batanes hanggang Tawi-Tawi.
Nagsisilbi itong one-stop shops ng tulong medikal ng pamahalaan, at milyun-milyong Pilipino na ang natulungan at patuloy na tinutulungan.
Ipinaglalaban din natin ang pagtatayo ng Super Health Centers sa iba't ibang parte ng bansa. Sa ating pagsisikap bilang Vice Chair ng Senate Committee on Finance, at sa suporta ng Department of Health (DOH), Local Government Units (LGUs) at mga kapwa ko mambabatas, nagkaroon ng sapat na pondo sa ating 2022 national budget ang pagtatayo ng 307 Super Health Centers at 322 centers naman ngayong taon. Sana ay tuluy-tuloy ang pagtatayo ng mga ito upang hindi na kailanganin ng ating mga kababayan sa mga liblib na lugar na bumiyahe para lang makapag-avail ng basic na serbisyong medikal.
Isa rin sa prayoridad natin ay ang hangarin ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos na maglagay ng specialty centers sa iba’t ibang parte ng bansa para hindi na kailangang maglakbay ng ating mga kababayan sa Maynila para magpaopera o magpagamot tulad ng mga may sakit sa puso.
Sa nakaraang Kongreso, naipasa naman natin ang 69 batas para sa upgrading at pagtatayo ng mga bagong ospital. Ilan lang ito sa mga prayoridad natin para ilapit sa tao ang serbisyo medikal ng gobyerno, lalo na sa mahihirap at walang ibang matatakbuhan.
Kabilang din ako sa may-akda at nag-co-sponsor ng paglikha sa Department of Migrant Workers (DMW) sa pamamagitan ng RA 11641. Nar’yan din ang RA 11861 na nag-amyenda sa Solo Parents' Welfare Act of 2000 para mabigyan ng dagdag na benepisyo ang solo parents. Naging instrumento rin tayo sa RA 11466 o ang Salary Standardization Law 5, na nagkakaloob sa civilian government employees ng dagdag na suweldo.
Marami pa tayong batas na naipasa noong nakaraang Kongreso kabilang ang National Academy of Sports, Doktor Para sa Bayan Act, BFP Modernization, Allowances and Benefits for Healthcare Workers, Metropolitan Davao Development Authority at ang Marawi Siege Victims Compensation.
Sa ngayon ay marami pa tayong isinumite na mga panukala sa 19th Congress tungo sa pangkabuuang layunin na gawing mas ligtas at maginhawa ang buhay ng bawat Pilipino.
Habang pinag-aaralan pa ang mga panukalang ating isinusulong, patuloy akong tutulong sa mga nangangailangang lugar at pupuntahan ko, lalo na kapag may bagyo, sunog, lindol, baha, kahit buhawi, basta kaya ng panahon at katawan ko para masolusyunan ang mga problema ng mga komunidad na apektado at mag-iwan ng ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati.
Hindi ako pulitiko na nangangako, ngunit tinitiyak ko na gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang mabigyan ng pansin ang kapakanan ng mga mahihirap nating kababayan.
Kaugnay nito, noong Lunes, sa paanyaya ng lokal na pamahalaan ay sinaksihan natin ang inagurasyon ng Laguna Provincial Admin building sa Santa Cruz, Laguna na ating sinuportahang mapondohan nitong nakaraang mga taon. Pinangunahan ko rin ang pamamahagi ng tulong sa 500 mahihirap na residente sa lugar.
Nag-inspeksyon naman ako noong Linggo sa itinatayong Super Health Center sa Maayon, Capiz; at nagkaloob ng tulong sa 1,000 residente na naapektuhan ng Bagyong Paeng. Inalalayan din ng aking tanggapan ang 1,355 mahihirap na pamilya sa Passi City, Iloilo bago makilahok sa All-Star festivities ng Philippine Basketball Association—na kaugnay rin ng ating adbokasiya na i-promote ang sports para mailayo ang mga kabataan sa masasamang bisyo tulad ng droga.
Noong Sabado naman ay nasubaybayan ko ang groundbreaking ng Super Health Centers sa bayan ng Lupon at Mati City, kasabay ng pagpapaabot ng tulong sa 1,000 na residente ng Lupon at 500 pa sa Mati City sa Davao Oriental.
Tuluy-tuloy din ang aking opisina sa pagbahagi ng tulong sa mga nasalanta ng sunog, lalo na sa apat na pamilya sa M’lang, Pikit and Datu Salibo, North Cotabato; at isang pamilya sa Mainit, Surigao del Norte.
Binigyan tayo ng mandato upang maglingkod sa bayan kaya unahin natin ang pagseserbisyo sa tao. Hindi ko sasayangin ang pagkakataon na ibinigay n’yo sa akin.
Kaya tayong mga nasa gobyerno na dapat mismo ang lalapit at maglalapit ng serbisyo sa nangangailangan, lalo na sa mga hopeless at helpless nating mga kababayan na walang matakbuhan kundi ang pamahalaan. Ibalik natin sa kanila ang tiwala na ibinigay nila sa atin. Maging tapat tayo sa ating tungkulin at ilagay ang kapakanan ng bawat Pilipino sa ating mga prayoridad.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments