ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 26, 2023
Masaya kong ibinabalita na apat sa mga panukalang batas na ipinaglaban natin sa Senado ang inaasahan nating maisasabatas pagkatapos maaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Malaki ang maitutulong ng mga ito sa ating mga Kababayan para sa ikagaganda at ikaaangat ng kanilang kalagayan sa buhay. Nagpapasalamat tayo sa ating mga kapwa mambabatas sa Senado at maging sa Mababang Kapulungan, gayundin sa iba pang stakeholders sa kanilang pakikiisa at pakikipagtulungan.
Isa sa mga panukala ang Senate Bill No. 1480, o Rationalizing the Disability Pension of Veterans. Aamyendahan nito ang Republic Act No. 6948, o “An Act Standardizing and Upgrading the Benefits for Military Veterans and their Beneficiaries” para mapataas ang disability base rate ng mga beteranong naging disabled dahil sa pagkakasakit, nasugatan o nagtamo ng injuries habang tinutupad ang kanilang tungkulin. Itataas din ang monthly pension ng asawa at ng anak na menor-de-edad pa. Si Senador Jinggoy Estrada ang principal author ng SBN 1480, at isa po tayo sa co-author.
Maisasabatas na rin ang SBN 1594, o ang One Town One Product (OTOP) Philippines Act of 2022. Author at co-sponsor tayo nito, na ang layunin ay ma-institutionalize ang pagkakaloob ng gobyerno ng tulong sa micro, small and medium-scale enterprises (MSMEs) sa pamamagitan ng product development, initiatives and training, at iba pa para mapasigla ang lokal na ekonomiya lalo na sa mga probinsya.
Magtutulungan ang lokal na pamahalaan, mga ahensya ng gobyerno at ang pribadong sektor para sa pagpapaunlad at pagpapalaganap ng mga produktong Pilipino para sa export o kaya ay domestic market. Noon ko pa sinasabi, ang MSMEs ang backbone ng ating ekonomiya, at sa pamamagitan ng batas na ito ay higit na mapapalakas ang kanilang kapasidad.
Co-author din tayo sa SBN 1841, o Amending RA 10066 (National Cultural Heritage Act of 2009) na ang layunin ay maipreserba at maprotektahan ang ating mayamang pamanang kultura sa pamamagitan ng cultural mapping. Sa ilalim nito, aatasan ang local government units na magkaroon ng record ng kanilang cultural assets sa mga lugar na kanilang nasasakupan. Para sa akin ay napakaimportante na mapangalagaan ang ating mayamang kultura para naman maisapuso at maipagmalaki ng mga susunod pang henerasyon ng mga Pilipino.
At bilang chair ng Senate Committee on Health, isa pong malaking tagumpay para sa atin ang pagiging ganap na batas ng SBN 2212, o ang Regional Specialty Centers Act. Isa po tayo sa author at tayo rin ang principal sponsor nito sa Senado, habang si Senate President Miguel Zubiri ang principal author. Nakakuha ito ng 24-0 na boto sa Senado dahil sa pagsang-ayon ng aking mga kasamahan na makakabuti ito para sa lahat.
Layunin ng bagong batas na magtatag ng specialty centers sa mga regional hospitals ng Department of Health sa buong bansa. Sa kasalukuyan, halos lahat ng specialty hospitals gaya ng Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, at ang Philippine Children's Medical Center ay nasa Metro Manila. Ang mga pasyente na nangangailangan ng special medical care ay kinakailangan pang bumiyahe at gumastos para lang magpagamot sa mga specialty hospitals na ito. Pero hindi naman dapat mahirapan ang ating mga kababayan na maka-access sa serbisyo ng gobyerno lalo na pagdating sa usaping kalusugan. Ang gobyerno dapat ang maglapit ng serbisyo sa mga tao. Kaya sa ilalim ng bagong batas ay dadalhin na ang ganitong specialized medical services sa bawat rehiyon.
Makikipag-ugnayan din ang DOH sa National Specialty Centers para matiyak na ang specialty centers sa DOH hospitals sa buong bansa ay may mga dalubhasang personnel na may sapat na pagsasanay, bukod pa ang equipment na kakailanganin. Umaasa tayo na sa pagtatayo ng specialty centers sa buong bansa ay lalo nating mapalalakas ang ating healthcare system at magiging accessible sa bawat Pilipino ang serbisyong medikal na kailangan nila para magkaroon ng malusog at matiwasay na buhay.
Hindi naman tayo tumitigil sa paghahatid ng serbisyo sa mga komunidad. Tulad ng mga panukalang ating ipinaglalaban, tayo rin mismo ay sinisikap na ilapit ang serbisyo sa tao.
Nasa Laguna tayo kahapon, August 25, at nag-inspeksyon sa itinayong Siniloan Sports Complex na napondohan sa ating pamamagitan.
Bahagi ng ating layunin bilang Chair ng Senate Committee on Sports na mapalaganap ang grassroots sports development, at mailayo ang iba pang kabataan sa masamang bisyo gaya ng iligal ng droga. Kaya ang payo ko palagi sa lahat lalo na sa mga kabataan, get into sports and stay away from drugs.
Matapos ito ay nag-inspeksyon din tayo sa Isolation Facility ng Infirmary Hospital, sa Siniloan pa rin, na isa sa isinulong natin noong panahon ni dating pangulong Duterte.
Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng ayuda para sa humigit-kumulang 500 mahihirap na residente ng Siniloan kasama sina Vice Governor Karen Agapay, Mayor Patrick Go, Vice Mayor Carla Valderama, at iba pang opisyal. Babalik ang aking opisina sa Siniloan sa susunod na mga araw para matulungan pa ang ilan pang residenteng nangangailangan doon.
Nanood din tayo bilang suporta sa ating national team sa laro ng Gilas Pilipinas kontra Dominican Republic sa pagsisimula ng 2023 FIBA World Cup, at dumalo rin ako sa FIBA World Cup Opening Ceremonies nitong Biyernes.
Naimbitahan naman tayo bilang guest speaker noong August 24 sa isinagawang Gender and Development Activity ng Sangguniang Panlalawigan ng Occidental Mindoro. Suportado natin ang mga ganitong uri ng talakayan na naglalayong itaguyod ang isang pantay at gender sensitive na pamumuno tungo sa mas progresibong komunidad.
Namahagi naman ang aking opisina ng tulong sa 500 residente ng Aparri, Cagayan na naapektuhan ng Typhoon Egay. Nakatanggap din ng tulong ang 1,000 residente ng Sibalom, Antique; 140 pa sa Gapan, Nueva Ecija; at 110 miyembro ng iba’t ibang sektor sa Libungan, North Cotabato.
May mga napagkalooban din ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG) Program ng Department of Trade and Industry na ating isinulong noon at patuloy na sinusuportahan ang implementasyon ngayon. Kabilang dito ang 52 residenteng nabiktima ng mga nakaraang sunog sa Brgy. Tisa, Cebu City; 14 residente ng Cauayan, Negros Occidental; at tatlo pa sa San Miguel at Jordan, sa Guimaras.
Patuloy kong sisikaping mailapit ang serbisyo ng gobyerno sa tao para maisulong ang kapakanan ng bawat Pilipino -- lalo na ang mga mahihirap, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan. Malasakit at serbisyo ang palaging iaalay ko sa inyo sa abot ng aking makakaya bilang kapalit sa tiwalang ipinagkaloob ninyo sa isang probinsiyanong tulad ko na kayo ay mapaglingkuran.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments