top of page
Search
BULGAR

Serbisyo ng gobyerno, dapat malapit sa taumbayan

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Pebrero 17, 2023


Ang pamilya ang itinuturing na pangunahing panlipunang institusyon. Nagkakaloob ito ng panghabambuhay na emosyunal, sosyal, pang-ekonomiya at pangkalusugang suporta sa bawat miyembro nito. Tungkulin ng pamilya na ibigay ang mga pangunahing pangangailangan ng mga anak, at itanim sa kanilang mga isipan ang kahalagahan ng pagiging makabayan at kapaki-pakinabang na bahagi ng ating lipunan.


Noong Pebrero 14, Araw ng mga Puso, sa imbitasyon ng lokal na pamahalaan ng Dasmariñas City, Cavite ay nakiisa tayo sa kanilang ginanap na Kasalang Bayan kung saan pinagtaling puso ang 751 couples. Nakakatuwa na kinuha nila tayo bilang ninong.


Pinayuhan ko ang mga bagong kasal na magmahalan nang tapat sa isa’t isa at huwag kalilimutan ang kanilang ipinangako na anuman ang mangyari, sa hirap man o ginhawa ay magkasama nilang itataguyod ang kanilang pamilya at magiging mga anak, at huhubugin ang mga ito na may malasakit sa kapwa Pilipino at nagmamahal sa ating bansa.


Nagbigay ako ng kaunting tulong sa mga bagong kasal at pinasalamatan ang lokal na pamahalaan sa ganitong inisyatiba. Ang mga ganitong programa ay paraan para ilapit natin ang gobyerno sa ating mga kababayan. Tumulong ang aking tanggapan para makapag-isang dibdib sila, kung saan mayor ang nag-officiate, at inilapit sa tao ang serbisyong ito.


Bahagi ng aking tungkulin bilang inyong senador ang lumikha ng mga batas na makakatulong sa pag-angat ng kalagayan sa buhay ng ating kababayan. Bukod pa rito, patuloy din ako sa pagganap sa aking mga tungkulin sa labas ng Senado sa abot ng aking makakaya. Hindi ko matiis na nakaupo lang sa malamig na opisina habang marami sa mga kapwa natin Pilipino ang naghihirap dala ng mga kasalukuyang krisis at hamon na kinakaharap ng ating bansa. Lagi kong sinasabi na dapat gobyerno ang naglalapit ng serbisyo sa mga tao, at pinaninindigan natin ito sa abot ng ating makakaya.


Tuluy-tuloy ang isinasagawa nating pagpapalakas ng ating healthcare system.


Nagpapasalamat ako sa Department of Health (DOH) at sa mga lokal na pamahalaan na nagiging katuwang natin sa pagpapatayo ng mga Super Health Center (SHC) sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Masaya kong ibinabalita na noong Pebero 15 ay sinaksihan natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Malvar, Batangas. Noong Pebrero 14, nagkaroon din ng groundbreaking para sa itatayo naman sa Dasmariñas City, Cavite. Magkakasunod ding nagsagawa ng groundbreaking para sa SHC sa Tagoloan, Bgy. Digkilaan sa Iligan City, at Sapad, Lanao del Norte. Malaki ang maitutulong ng SHCs sa mga kababayan natin, lalo na sa mga naninirahan sa liblib na lugar dahil kaya nitong tugunan ang mga emergency, at magkaloob ng pangunahing serbisyong medikal tulad ng panganganak, dental at basic laboratory tests.


Bukod sa SHC, nar’yan ang Malasakit Centers program na patuloy sa pagkakaloob ng tulong medikal sa lahat ng Pilipino, lalo na ang mahihirap at walang malalapitan, maliban sa pamahalaan.


Regular akong nagsasagawa ng inspeksyon sa mga Malasakit Center—na ngayon ay umabot na sa 154 ang naitayo at mahigit pitong milyong pasyente na ang natulungan, ayon sa tala ng DOH—upang matiyak na patuloy ang epektibo at mabilis na pagkakaloob nito ng tulong sa mga benepisaryo. Limang taon na ang naturang programa, at masayang isipin na ang pangarap natin noon na paghahatid ng serbisyo ay naisakatuparan na ngayon.


Hindi rin natin kinakaligtaan ang paghahatid ng tulong, katuwang ang mga ahensya ng pamahalaan at mga local government units, sa mga kababayan natin na ang kabuhayan ay apektado ng iba’t ibang krisis. Habang nasa Malvar, Batangas ay personal nating pinangunahan ang pagkakaloob ng ayuda sa 594 mahihirap na residente. Nakarating din ako sa Calamba City, Laguna at naalalayan ang 457 benepisaryo. Matapos naman ang Kasalang Bayan sa Dasmariñas City, Cavite ay binisita natin ang 63 pamilyang nasunugan at ang 250 na mahihirap na residente sa siyudad para pagkalooban din ng tulong.


Inalalayan din ng aking relief team ang mga kababayan nating naging biktima ng sunog, kabilang dito ang 23 sa San Juan City; dalawa sa Macabebe at Porac, Pampanga; 13 sa Baliwag at Marilao, Bulacan; 75 residente ng Bgy. Manresa, Quezon City; 11 sa Bgy. Don Galo, Parañaque City; 34 sa Bgy. Basak, Lapu-Lapu City, Cebu; 16 sa Cotabato City; tatlo sa Pres. Quirino, Sultan Kudarat; dalawa sa Consolacion, habang 10 sa Danao City, Cebu; at dalawa pa sa Magpet, North Cotabato.


Ipinapaalala ko sa lahat ng ating kababayan na maging mapagmatyag sa posibleng pagmulan ng sunog gaya ng mga sirang kasangkapan, hindi maayos na linya ng kuryente, depektibong lutuan, upos ng sigarilyo at kandila upang makaiwas tayo na matupok ang ating kabuhayan. Napakahirap nang masunugan, lalo na kung may matanda, bata, mayroong maysakit o buntis sa pamilya, kaya sa mga isinasagawa nating relief effort ay lagi natin silang inuunang mabigyan ng tulong. Kaya isa ako sa pangunahing may-akda ng BFP Modernization Act na pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para maging ganap na batas. Layunin nito na ma-modernisa ang BFP, magkaroon sila ng mas makabagong kagamitan, mapaigting pa ang fire prevention campaign at mas maparami pa ang training programs ng ating mga bumbero para makatulong sa mga kababayan natin na maiwasan ang sunog.


Huwag kayong mawalan ng pag-asa. Ang importante ay walang nasaktan at namatay. Ang gamit ay nabibili pa natin, magtulungan lang tayo. Ang pera ay kikitain pa natin, magsipag lang tayo.


Subalit ang perang kikitain ay hindi nabibili ang buhay. A lost life is a lost life forever.


Importante na pangalagaan natin ang buhay at kalusugan ng bawat isa.


Sa lahat ng ito, huwag kayong magpasalamat sa amin dahil sinusuklian lang namin ang tiwalang ipinagkaloob n’yo sa isang probinsyano na maging representante n’yo sa gobyerno. Patuloy ako na maghahatid ng serbisyo sa inyong lahat, sa abot ng aking makakaya, lalo na sa mahihirap dahil ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page