ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 30, 2022
Madalas akong may mga bisita sa aking tanggapan sa Senado na mga lokal na opisyal ng iba’t ibang munisipalidad, lungsod at lalawigan sa ating bansa. Minsan, napakalayo pa ng kanilang pinanggagalingan at talagang nagsasakripisyo para lang maipaabot ang mga hinaing ng kanilang nasasakupan. Bahagi ng tungkulin natin bilang mambabatas ang makinig sa kanila, alamin ang kanilang karaingan na ating masosolusyunan sa pamamagitan ng paglikha ng batas, mailapit sa mga ahensya ng pamahalaan o kung kakayanin sa aking pansariling kapasidad.
Kung ako lang ang papipiliin, mas gusto ko na ako na lang mismo ang bababa sa kanilang mga lugar. Tulad ng sinabi ko, saang sulok man ng bansa, basta kaya ng panahon, oras at katawan ko ay sisikapin kong puntahan kayo. Hindi ko kayang manatili lang sa loob ng opisina habang may mga kababayan tayong humihiling ng kaunting tulong at malasakit sa gobyerno.
Para sa akin ay napakahalaga ng ganitong pagkakataon. Nalalaman ko ang sitwasyon sa kanilang lugar at nadedetermina ko ang mga nararapat na solusyon upang makapag-iwan ng kaunting ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati. Isa rin po itong mahalagang proseso ng pagtutulungan para mailapit namin mismo ang serbisyo sa mga tao.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health at ng Sports, partikular ako sa kalusugan at kaligtasan ng ating mga kababayan lalo na ang mga nasa malalayong lugar. Kung mayroon na silang Malasakit Center, inaalam ko kung ano pa ang mga kailangan para mas matulungan ang mga pasyente.
Sinusubaybayan ko rin ang kanilang mga sports program, ang kabataang may potensyal sa iba’t ibang sports dahil epektibo rin itong solusyon para mailayo sila sa ilegal na droga at iba pang bisyo. Inaalam ko rin ang peace and order situation, at, higit sa lahat, kung paano makakatulong sa mga nasalanta ng mga kalamidad.
Nitong Huwebes, Setyembre 29 ay bumisita ako sa San Miguel, Bulacan kasama sina Senator Robinhood Padilla at Senator Bato dela Rosa para alamin ang kalagayan ng ating mga kababayan doon na noong Setyembre 25 lang ay hinagupit ng bagyong Karding. Nagkaloob po tayo ng tulong sa 500 residente roon at tiniyak natin ang tuluy-tuloy na pag-ayuda sa kanila sa abot ng ating makakaya.
Ngayong araw na ito, Setyembre 30, ay sa Del Carmen, San Benito, at Surigao City sa Surigao del Norte naman po tayo personal na bumisita. Marami po sa kanila ang hindi pa nakababangon mula sa pananalasa ng bagyong Odette noong Disyembre. Maraming tahanan at negosyo ang naapektuhan, bukod pa ang mga bahagi ng kapaligiran nito na nasira gaya ng mga tourism sites kaya marami rin ang pansamantalang nawalan ng hanapbuhay.
Nagkaloob din tayo ng ayuda sa mahigit dalawang libong benepisaryo, kasabay ng pagsaksi sa groundbreaking ng Super Health Center sa Del Carmen at San Benito. Ipinaalala ko rin sa kanila na kung kailangan nila ng tulong medikal ay lumapit lang sa Malasakit Center sa kanilang lugar.
Samantala, ngayong linggo ay nag-abot din ang aking tanggapan ng ayuda sa iba’t ibang komunidad na ang mga residente ay apektado pa rin ng pandemya at iba pang krisis ang kabuhayan.
Maagap nating dinaluhan ang 35 kataong nasunugan sa Bgy. 439, Maynila; at 69 sa Mandaue City, Cebu.
Sa Sta. Teresita, Batangas, umabot sa 1,110 benepisaryo na nawalan ng trabaho ang nabigyan natin ng ayuda. Pinagaan naman natin ang dalahin ng 800 mahihirap na residente ng Malolos City, Bulacan; 500 sa Tangalan, Aklan; at 152 pa sa Zamboanga City. Pinagkalooban din natin ng tulong ang 775 estudyante ng Bulacan State University-Bustos Campus.
Tuluy-tuloy rin ang pagkakaloob natin ng dagdag-puhunan sa ating maliliit na negosyante para mapalago nila ang kanilang negosyo at makatulong sa pagpapasigla ng kanilang lokal na ekonomiya. Narating natin ang Romblon para pangitiin ang kanilang MSMEs gaya ng 150 benepisaryo sa Romblon; 150 sa Looc; 50 sa Alcantara; at 50 pa sa Sta. Maria.
Habang sa Agusan del Norte, naabutan natin ng tulong ang 176 na indibidwal sa Cabadbaran City; 147 sa Jabonga; 77 sa Buenavista; at 53 sa Tubay. Sa Surigao del Norte naman ay tinulungan natin ang 50 sa Alegria; at 50 din sa Placer.
Sa isla naman ng Siargao ay nakapaghatid din tayo ng tulong sa 40 katao sa General Luna; 30 sa Dapa; 21 sa Burgos; 19 sa San Benito; 15 sa Del Carmen; at 15 sa Sta. Monica. Tayo rin ay nag abot sa mga taga-Dinagat Islands kung saan 72 ang natulungan sa San Jose at Basilisa; 50 sa Cagdianao at Dinagat; at 25 sa Libio.
Sa Quirino, 1,635 MSMEs din ang ating natulungan na mula sa Aglipay, Cabarroguis, Diffun, Maddela, Nagtipunan at Saguday.
Pinuntahan din natin ang Ilocos Norte para sa dagdag na puhunan ng 282 benepisaryo sa Pagudpud; 247 sa Currimao; at 240 pa sa Batac. Hindi rin natin kinalimutan ang 200 pa sa Navotas City.
Marami pa sa ating mga kababayan ang dapat mahatiran ng serbisyo at malasakit ng pamahalaan. Kaya anumang oras ay susubukan kong puntahan ang inyong lugar para pagaanin ang inyong mga dalahin at mabigyan kayo ng bagong pag-asa. Sa abot ng aking makakaya, ipagpapatuloy ko ang ating iisang hangarin na magbigay ng mas ligtas at komportableng buhay sa bawat Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Kommentare