top of page
Search
BULGAR

Senyales na dapat nang mag-asawa

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 20, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Jasmine na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nakapanaginip ako ng baby na gumagapang sa sahig, tapos gumapang siya sa aking braso. Baby girl siya at damang-dama niya na panatag siya at parang sarap na sarap siya sa mga kamay ko. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Jasmine


Sa iyo, Jasmine,


Ang mga bagay na ating napapanaginipan ay kadalasan ay inilalarawan ang ating mga sarili. Sa ganitong katotohanan, ang baby girl sa panaginip mo ay ikaw.


Ikaw ba ay nag-iisa o ayon sa iyo, parang nag-iisa ka sa buhay? ‘Yung kahit may mga taong malalapit sa iyo, may nagmamahal sa iyo na mga kamag-anak at kaibigan mo, nadarama mo pa rin sa sarili mo na ikaw ay parang nag-iisa.


May boyfriend ka na ba? Sabi ng panaginip mo, mukhang wala kang boyfriend ngayon dahil kung may boyfriend ka na nagmamahal sa iyo, hindi mo mapapanaginipan ang baby girl na sumisimbolo ng sarili mo na gumapang at nasa braso mo, gayundin, parang masaya siya at nasasarapan sa kandungan ng iyong kamay.


Dahil dito, sa katotohanang kasasabi lang, ayon sa panaginip mo, kung sakaling may boyfriend ka ngayon, iisa lang ang kahulugan at ibig sabihin, ikaw ay hindi masaya at nag-iisa pa rin sa buhay.


Ikaw ba talaga ay nag-iisa? Ika nga ba ay alone and lonely?


Ang payo ng panaginip mo, magmahal ka at ang hanapin mo ay ‘yung totoong magmamahal sa iyo. Umiwas ka sa mga kunwari ay nagmamahal sa iyo, pero makasarili na ang ibig sabihin ay mas mahal nila ang kanilang sarili kaysa sa kanilang karelasyon na para bang ginagamit ka lang niya.


Ganito ang sabi sa awiting minsang narinig ko sa simbahan, “Walang nabubuhay sa sarili lamang,” hindi ibig sabihin, mamamatay ang tao kapag nag-iisa sa buhay dahil ang simpleng ibig sabihin ng mga salitang ito ay kailangan ng tao ang tunay na magmamahal sa kanya, ‘yung makakasama, makakaagapay, makakatuwang at makakasalo niya sa saya at ligaya.


Ito rin ay hindi simpleng pakikipag-boyfriend lamang, hindi rin ito ang pakikipagrelasyon na masabi lang na may karelasyon, at lalong hindi ito ang pagsasama ng dalawang tao dahil sa mga pakinabang nila sa isa’t isa, dahil ito mismo ay tumutukoy sa payo na, “Ikaw ay dapat nang mag-asawa upang habambuhay kang may makasama, lalo na sa panahong ito ng Kapaskuhan at papalamig nang papalamig ang panahon.”


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page