ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 6, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Lannie na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Magkasama kaming lumabas ng bahay ng aking asawa. Noong nasa labas na kami, bigla niya akong iniwan at akala ko ay binibiro lang niya ako, pero habang hinahabol ko siya, lalo niyang binilisan ang kanyang takbo at hindi natinag kahit tawagin ko siya.
Hindi ko kinaya dahil sobrang pagod ako sa katatakbo para habulin siya. Napapaiyak na ako sa sama ng loob sa ginawa ng asawa ko. Tapos, nu'ng nasa malayo na siya, kitang-kita ko na pinagtatawanan niya pa ako, tapos ipinagpatuloy niya ang pagtakbo.
Ano ang kahulugan ng panaginip kong ito?
Naghihintay,
Lannie
Sa iyo, Lannie,
Alam mo, iha, nakakasawa ang matatamis na pagkain, kumbaga, sabi nga nila, nakakaumay ang paulit-ulit na pagkain ng masasarap na pagkain. Ganyan mismo ang nararanasan mo ngayon, kung saan sa aminin mo man o hindi, sawa ka na sa masayang buhay na inyong pinagsasaluhan ng iyong asawa.
Ang isa pang masasalamin sa panaginip mo ay ang katotohanan na may katagalan na ang panahon nang ikaw ay huling naiyak, as in, hindi ka naiiyak ngayon at ang nakikitang dahilan ay ang matamis na pagsasama n'yo ng mister mo.
Ganito ang katotohanan sa likod ng mga panaginip na kapag naiyak sa panaginip, ibig sabihin ay matagal ka nang hindi naiiyak sa walking life mo. Kaya kapag nanaginip ng hindi maganda, ang pagsasama sa pagitan ng nanaginip at kanyang asawa, ibig sabihin ay matagal nang hindi nagkakasamaan ng loob ang dalawa.
Kaya ang kabuuan ng iyong panaginip ay nagsasabing, ang buhay mo ay boring, as in, bagot na bagot ka na sa araw-araw na galaw at takbo ng iyong buhay.
Para magamot mo ang pagkabagot na ito, narito ang ilang rekomendasyon:
Pagdating ng iyong mister, huwag mo munang kibuin, pero maya-maya ay kibuin mo na rin.
Ipagluto mo siya ng hindi masarap, mas maganda kung mas maalat. Sa kape naman, kunwari ay nakalimutan mong lagyan ng asukal.
Sa gabi, matulog ka nang nakatalikod sa kanya.
Huwag mo rin siyang gisingin sa umaga. Hayaan mong magising siya nang kusa at huwag mo ring ipaghanda ng agahan.
Wala ring kiss bago siya umalis.
Huwag mong kumustahin o kunwari ay nakalimutan mong magtext dahil hindi mo makita ang cellphone mo.
Gawin mo 'yan, iha, dahil ang mga ito ang kailangan mo nang sa gayun ay magkaroon ng gap ang maganda n'yong pagsasama.
Ito rin ang magsisilbing daan upang pagkatapos ng lahat ay maging mas sweet as ever ang iyong marriage life.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments