ni Grace Poe - @Poesible | May 17, 2021
Bagama’t isinailalim na sa General Community Quarantine (GCQ) na may mahigpit na restriksiyon ang National Capital Region (NCR) pati na ang mga lalawigan ng Bulacan, Laguna, at Cavite, at GCQ ang ilang lalawigan mula Mayo 15 hanggang 31, patuloy pa ring pinahihirapan ng COVID ang ating bansa. Ang pagluluwag sa klasipikasyon ay malinaw na para sa ekonomiya nating naghihingalo dahil sa epekto ng pandemya. Nanawagan ang mga negosyante at mga manggagawa: kailangan nila ng trabaho. Kailangan nila ng pagkaing ihahain para sa kanilang pamilya.
Habang nakasusunod sa bagong normal ang mga bata dahil sa pagiging maalam sa teknolohiya, ang matatanda ay nangangapa. Marami sa senior citizens natin, nawalan ng ikabubuhay ngayong pandemya. Kahit ang mga maparaan sa buhay, walang magawa dahil bawal silang lumabas ng tahanan.
Naniniwala tayong sa yaman ng karanasan ng ating senior citizens, makapag-aambag sila sa pagbangon ng ating bansa mula sa trahedyang dumating sa atin. Kailangan ng krusyal na interbensiyon mula sa ating pamahalaan para bigyan sila ng pagkakakitaan sa bahay para hindi sila makipagsapalaran sa labas at makakuha ng impeksyon ng COVID-19.
Hinihimok natin ang Department of Education at ang Commission on Higher Education na bumuo ng programa ang mga paaralan at training institutions para maturuan ng mga kabataang tech savvy ang ating senior citizens para maunawaan at matutunan nila ang teknolohiya.
Gayundin naman, ang Department of Labor and Employment ay maaaring mag-ugnay ng ating senior citizens sa home-based livelihood opportunities para kumita sila mula sa kanilang mga tahanan. Napakalaki ng magagawa ng pasilitasyon at koneksiyon ng nangangailangan ng tao at ng nangangailangan ng trabaho. Mahalaga rito ang koordinasyon sa pribadong sektor na maaaring lumikha ng oportunidad para sa ating nakatatanda.
Nagbubukas ang remote work ng pagkakataon para maging produktibo ang ating senior citizens. Sa panahong malaki ang tama sa kanilang kalusugang mental at katayuang pinansyal ng pandemya, nararapat tulungan ng pamahalaan ang ating mga lolo at lola na tumanda na paghahanapbuhay. Kung mabibigyan sila ng pagkakataong magtrabaho at kumita, hindi sila aasa sa ayuda.
Comments