ni Ryan Sison - @Boses | October 10, 2021
Puwede nang bumiyahe ang mga senior citizens, mga bata at buntis.
Ito ang bagong probisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa guidelines sa pilot implementation ng alert level system para sa COVID-19 response sa National Capital Region (NCR) tungkol sa interzonal travel.
Paliwanag ni Presidential spokesperson Harry Roque, pinapayagan na ang point to point interzonal travel ng mga taga-NCR na mas bata sa 18-anyos, mga fully vaccinated na lagpas 65-anyos na mayroong comorbidities at mga buntis na patungo sa mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ).
Pero dapat aniyang sumunod sa guidelines at health protocols ng Department of Tourism (DOT) at local government unit na pupuntahan.
Una rito, matatandaang nagdesisyon ang IATF na palawigin ang pagpapatupad ng Alert Level 4 sa NCR hanggang Oktubre 15.
Kaakibat ng pagluluwag na ito ay ang pag-iingat at obligasyon na maging responsableng biyahero.
Tulad ng nabanggit, kailangang sumunod sa mga protocols na itinakda ng DOT at lokal na pamahalaan, gayung may iba’t ibang guidelines ang bawat probinsiya.
Kung may mga kinakailangang dokumento, ihanda ang mga ito at tiyaking lehitimo.
Sa mga magtatangkang mameke ng dokumento, ‘wag n'yo nang subukan dahil may kalalagyan din kayo. Isa pa, kung magpapasaway lang kayo at magbibigay ng sakit ng ulo, utang na loob, manatili na lang kayo sa inyong tahanan.
Tulad ng palagi nating sinasabi, hindi porke nagluwag ay makakampante na, kaya plis lang, sumunod at iwasang magpasaway.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments