top of page
Search
BULGAR

Senglot, nabangga ng motorsiklo

by News @Balitang Probinsiya | Oct. 5, 2024



AKLAN -- Isang 29-anyos na lalaking lasing ang sugatan nang mabangga ng isang motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Estancia, Kalibo sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ang biktima at ang rider ng motorsiklo habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga otoridad. 


Ayon sa ulat, bigla umanong tumawid sa kalsada ang lasing kaya nabangga ito ng motorsiklong minamaneho ng rider. 


Nabatid na nagtamo ang biktima ng sugat sa paa at katawan at agad itong dinala ng mga saksi sa pagamutan. 


Nangako naman ang rider na sasagutin niya ang gastos sa ospital at lahat ng danyos sa biktima.


 

DALAGA, SAPOL SA LIGAW NA BALA


SORSOGON -- Isang 21-anyos na dalaga ang namatay nang tamaan ng ligaw na bala mula sa pinaputok na baril ng isang most wanted kamakalawa sa Sorsogon City sa lalawigang ito.


Sa kahilingan ng pamilya ng biktima ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng dalagang namatay sa nasabing insidente. 


Ayon sa ulat, isang hindi pinangalanang most wanted criminal ang dadakpin ng pulisya, pero bigla nitong pinagbabaril ang mga otoridad at ang isang bala ay tumama sa katawan ng biktima.


Dahil dito, agad dinala ng mga residente ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.


Patuloy pa ang pagtugis ng mga otoridad sa nakatakas na suspek.


 

3 NOTORYUS NA TULAK, NASAKOTE


CAPIZ -- Tatlong notoryus na drug pusher ang naaresto sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. Tanque, Roxas City sa lalawigang ito.


Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Gilbert Padrique, May Cordovero at Achilles Dilla, pawang nasa hustong gulang at parehong residente sa nabanggit na barangay.


Ayon sa ulat, nagsagawa ng drug-bust operation ang mga otoridad sa nabanggit na barangay kaya nadakip ang tatlong suspek. 


Napag-alaman na nakakumpiska ang pulisya ng 16 pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera pag-iingat ng mga drug pusher.

Hindi naman nanlaban ang mga suspek nang dakpin sila ng mga otoridad sa naturang lugar. 


Sa ngayon ay sinampahan na sila ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


 

MAGSASAKA, TINODAS NG ARMADO


NORTH COTABATO -- Isang magsasaka ang namatay nang pagbabarilin ng isang armadong lalaki kamakalawa sa Brgy. Luayon, Makilala sa lalawigang ito.


Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ay nakilalang si Victor Bama, samantalang ang suspek ay si Dodong Alcayde, kapwa nasa hustong gulang at parehong nakatira sa nasabing barangay.


Ayon sa ulat, naglalakad si Bama nang sumulpot ang suspek at agad pinagbabaril ang biktima.


Matapos tiyaking patay na ang biktima ay saka mabilis na tumakas ang salarin.

Inaalam pa ng mga otoridad ang motibo ng suspek sa pamamaslang sa biktima.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page