ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Oct. 26, 2024
SENATORIABLES SIMBILIS NG KIDLAT SA PAGHINGI NG BASBAS KAY EX-VP LENI, PERO ‘NGANGA’ SA PAGBIGAY NG TULONG SA MGA NABIKTIMA NG BAGYO SA BICOL -- After ng filing ng certificate of candidacy (COC) ay sangkaterbang reelectionists at mga bagong kakandidato sa pagka-senador ang nagtungo sa tahanan ni former Vice Pres. Leni Robredo sa Naga City, na hindi man nila aminin ay pagpapahiwatig ito na nais nilang makakuha rin sila ng maraming boto sa Bicol.
Ito ang siste, unang sinalanta ng Bagyong Kristine ang buong Bicol region, binaha, maraming bahay at kabuhayan ang nasalanta, at kahapon ay medyo humupa na. Kita ang malaking epekto sa rehiyon na dulot ng pananalasa ng Typhoon Kristine, pero ni-isa sa mga senatoriable na dumalaw noon kay ex-VP Leni ay hindi bumalik para magbigay ng anumang tulong sa mga taga-Bicol na biktima ng bagyo.
Ganyan ang mga trapo (traditional politicians) na senatoriables, kapag hihingi ng basbas para sa kanilang kandidatura, simbilis ng kidlat nasa Bicol agad, pero ang kukupad naman sa pagtulong sa mga biktima ng bagyo sa rehiyong ito, mga pwe!
XXX
SENATORIABLES NA BUMISITA KAY EX-VP LENI PERO ‘DI BUMALIK PARA MAGBIGAY NG TULONG SA MGA BIKTIMA NG BAGYO, I-REJECT SA ELEKSYON -- Kilala naman ng mga taga-Bicol ang mga senatoriable na bumisita noon kay ex-VP Leni.
Sakaling sa mga darating na araw ay walang ibibigay na ayuda ang mga ito sa mga sinalanta ng Bagyong Kristine, isa lang ang dapat gawin ng mga taga-Bicol, at ito ay i-zero vote nila ang mga naturang senatoriable, kasi lalabas na boto lang ng mga taga-Bicol ang gusto nila, at wala silang ‘paki’ sa mga typhoon victim, boom!
XXX
IBASURA SA HALALAN MGA POLITICIAN NA ‘BALAT-SIBUYAS’ -- May mga elected
officials ang nagagalit sa kanilang mamamayan kapag sila ay nabatikos dahil sa hindi agad pagtugon sa hinihinging tulong ng mga biktima ng bagyo, na imbes tumugon sa nire-request, pinalalabas pa na sila ay pinupulitika, na kesyo mga supporter daw ng kalaban nila ang mga bumabatikos sa kanila sa social media.
Sa totoo lang, hindi dapat “nagbabalat-sibuyas” sa batikos ang mga elected official kasi tungkulin nilang tumugon sa hinihinging tulong ng kanilang mamamayan, may bagyo man o wala.
Dapat ang gawin ng mamamayan sa mga “balat-sibuyas” na politician, ibasura sa eleksyon next year, period!
XXX
P411M NA INILAAN NG KAMARA, SANA ALL MAIBIGAY SA MGA BIKTIMA NG BAGYO, AT WALANG MAPUNTA SA BULSA NG MGA ‘BUWAYANG’ POLITICIANS -- Inanunsyo ni Speaker Martin Romualdez na naglaan na raw ng P411 million ang Kamara para ipantulong sa mga biktima ng Bagyong Kristine sa buong bansa.
Sana nga, lahat ng pera ng bayan na iyan ay mapunta sa mga biktima ng bagyo at walang mapunta sa bulsa ng mga ‘buwayang’ politician, boom!
Comments