ni Jasmin Joy Evangelista | December 15, 2021
Aprubado na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magtatatag ng ahensya para sa mga overseas Filipino worker (OFW).
Ito ay isang hiwalay na ahensya na tututok sa kalagayan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
Aprubado para sa mga senador ang Senate Bill No. 2234 o ang pagkakaroon ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos Act, ito ay nakakuha ng botong 20-0.
Ayon sa sponsor ng panukalang batas na si Sen. Joel Villanueva, chairman ng Senate Labor Committee, ang panukalang departamentong ito ay isang “dedicated service arm” para sa 10 milyong Pilipino na nasa ibang bansa sapagkat sila ay kabilang sa pinagmumulan ng national income ng bansa kung saan 12% ang kanilang contribution.
“This moment is for every Filipino abroad who has sacrificed so much for their family and our beloved country,” ani Villanueva.
Nilinaw din ni Villanueva na ang bagong departamento ay hindi manghihikayat ng trabaho sa ibang bansa bilang bahagi ng state policy.
“Naniniwala po tayo na balang-araw hindi po tayo mawawalan ng pag-asa na darating ang panahong hindi na kailangang mag-abroad ng Pilipino at mawalay sa kanyang pamilya para lang mabuhay," paliwanag niya.
Comments