ni Lolet Abania | June 12, 2021
Walang balak na tumakbong pangulo sa darating na 2022 national at local elections si Senator Grace Poe. Ito ang naging tugon ng mambabatas matapos na ianunsiyo ng opposition coalition na 1Sambayan na nakasama ang kanyang pangalan sa mga napipisil nilang tumakbo bilang presidente at bise-presidente sa May, 2022 elections.
“Nagpapasalamat tayo sa patuloy na pagtitiwala ng ating mga kababayan. Ngunit wala akong planong tumakbo sa pagka-pangulo sa darating na eleksiyon,” ani Poe sa isang statement ngayong Sabado.
“Sa abot ng aking makakaya bilang senador, nais kong pagtuunan ng atensiyon ang pag-ahon ng ating mga kababayan mula sa pandemyang ito,” dagdag ng senadora.
Matatandaang nasa ikatlong puwesto si Poe na may 8.935 milyong votes laban kay Pangulong Rodrigo Duterte na noo’y Davao City mayor pa, nang tumakbo sila noong May, 2016 presidential race.
Tinanggap agad ni Poe ang kanyang pagkatalo kay P-Duterte matapos na lumabas ang isang substantial margin habang nagbibilangan ng mga boto. Sinabi naman ni Poe noong August, 2016 na wala siyang pagsisisi sa pagtakbo bilang pangulo.
Noong 2019, nanalo ng isa pang termino sa Senate ang senadora, na nasa rank na second sa mga senatorial candidates na may pinakamataas na bilang ng boto. Nakakuha si Poe ng halos 22 milyong votes noong 2019 midterm polls.
Kommentare