ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 5, 2024
BAKA MA-TULFO SI SEN. ROBIN PADILLA NA NAGSULONG NG ANTI-POLITICAL DYNASTY BILL, KASI NAG-NO. 1 AT NO. 2 LANG NAMAN SA SENATORIAL SURVEY ANG MAGKAPATID NA TULFO -- Desidido talaga si Sen. Robin Padilla na wasakan na ang political dynasty sa Pilipinas kasi nitong nakalipas na July 30, 2024 ay gumawa na siya ng resolusyon na ipagbawal ang sabayang pagkandidato ng mga magkakapamilyang pulitiko sa bansa.
Naku, hindi kaya itong si Sen. Padilla ay ma-Tulfo? Kasi kung kelan nag-number 1 at nag-number 2 sa senatorial survey ng OCTA ang dalawang kapatid ni Sen. Raffy Tulfo na sina ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo at Ben Tulfo ay saka ito (Sen. Padilla) nagpursiging wakasan na ang political dynasty sa ‘Pinas, boom!
XXX
KUNG SI EX-VP ROBREDO ANG NANALONG PRESIDENTE, HINDI HIHINGI NG BILYUN-BILYONG CONFI FUND -- Kung si former Vice Pres. Leni Robredo ang nagwaging presidente last 2022 election ay tiyak na hindi aabot sa bilyong piso ang hihingin niyang confidential fund dahil mahihiya ito sa taumbayan.
Ang problem, natalo siya at si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang nanalo, kaya sa umpisa ay P4.5 bilyon ang inihirit nitong confi funds noong 2023 at ngayong 2024, at ang shocking next year (2025) ay P10.29-B na ang gusto niyang maging confi fund, tsk!
XXX
HIMUTOK NI SEN. DELA ROSA SA MARCOS ADMIN -- Naghihimutok si Sen. Ronald Dela Rosa sa Marcos administration.
Kung noon kasi ay sinasabi nina PBBM, Solicitor General Menardo Guevarra at Justice Sec. Boying Remulla na hindi nila papayagang pumasok sa bansa ang International Criminal Court (ICC) para mag-imbestiga sa naganap na extrajudicial killings (EJK) sa ‘Pinas sa panahon ng Duterte administration dahil wala raw hurisdiksyon ang ICC sa bansa, ay iba na ang statement nila ngayon, na ayon kay SolGen Guevarra ay hindi naman nila kayang pigilan ang pagpasok sa bansa ng mga ICC investigator, at sabi naman ni Sec. Remulla, hindi raw nila trabahong pigilan ang mandato ng Interpol, na indikasyon ‘yan na kapag bumaba ang warrant of arrest, kulong sa ICC jail sa The Netherlands ang bagsak nina ex-P-Duterte, Dela Rosa at iba pang sangkot sa EJK sa ‘Pinas, period!
XXX
HINDI LANG SI HARRY ROQUE ANG IIMBESTIGAHAN NG PAOCC KUNDI PATI MISIS NIYA -- Hindi lang si former presidential spokesman Harry Roque ang iimbestigahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) patungkol sa pagkakadawit nito sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) kundi pati ang misis niyang si Mylah Roque na pumirma sa kontrata sa pagpapatira sa dalawang POGO executives sa kanilang bahay sa Benguet.
Naku, kapag napatunayang sabit sa illegal POGO ang mag-asawang ito, malamang magsama sila sa selda, boom!
Comments