top of page
Search
BULGAR

Sen. Imee, pumalag.. Military plane ng U.S., naispatan sa Maynila

ni BRT @News | July 10, 2023




Kinuwestiyon ni Senador Imee Marcos ang panibagong presensya ng ilan pang C-17 Globemaster ng U.S. Air Force sa Maynila at Palawan.

Isinagawa ito ni Marcos isang araw makaraang maglabas ng statement ang Senate Committee on Foreign Relations na pinamumunuan niya hinggil sa kaparehong military plane na lumapag sa Maynila noong nagdaang linggo pero hindi nai-coordinate ng mga flight planner ng U.S. sa mga ground handler sa paliparan ng Maynila.

Lumabas sa global flight tracker ng AirNav Systems na alas-6:03 ng umaga noong Biyernes, isang U.S. Air Force C-17 na may flight code MC244 / RCH244 ang lumapag sa

Maynila na nagmula sa Andersen Air Force Base sa Guam, umalis pa-Palawan bago mag-ala-1 ng hapon, saka dumiretso sa Yokota Air Base sa lungsod ng Fussa, Japan bandang hapon.

Bagamat madalas na nawawalan ng signal ang eroplano habang bumibiyahe ito, nairekord ng flight tracker na Flightradar 24 ang pag-alis nito mula sa Palawan bago mag alas-4 ng hapon, oras sa Maynila, at ang pagdating nito sa Yokota, 9:30 p.m., oras sa Japan.

Ipinakikita ng flight route nito mula Palawan ang pagdaan nito sa ibabaw ng Pampanga, Cagayan, at sa silangang baybayin ng Batanes at Taiwan bago tuluyang lumapag sa Yokota Air Base.

Napansin din ng mga pasahero ng mga commercial flight na paalis at papunta ng Ninoy Aquino International Airpot ang dalawang U.S. military plane malapit sa runway na kanilang ibinahagi sa opisina ni Marcos.

Isang C-17 na may flight code RCH323 na umalis ng Tokyo noong Biyernes ng gabi ang naispatan sa hilaga ng Busuanga kinabukasan, araw ng Sabado, lampas alas-10 na ng umaga. Pero hindi ito nasubaybayan hanggang kinahapunan at nakita na lang ito na patungo na sa Polillo Island bago makalabas ng teritoryo ng Pilipinas lampas alas-6 ng gabi.

"Konti lamang ang nakakaalam sa isinasagawang U.S. military activity sa ating teritoryo habang patuloy naman nating pinupuna ang presensya ng mga barko ng China sa South China Sea," diin ni Marcos.

"Alam kong may foreign military exercises ngayong buwan. Pero dapat maging patas ang pagsubaybay sa ating maritime territory at EEZ (economic exclusive zone) gayundin ang Philippine air traffic rules at joint military agreement natin sa U.S." dagdag pa ni Marcos.


Sa harap nito, nanawagan si Marcos sa mga opisyal ng militar, depensa, at foreign affairs ng Pilipinas na tukuyin kung pinalalala lang ng mga siktretong paglipad sa bansa ng mga U.S. military plane ang tensyonadong sitwasyon sa South China Sea at Taiwan Strait at timbangin ang panganib na maaaring idulot nito sa publiko.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page