ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Mar. 14, 2025

TAMA SI SEN. DELA ROSA, NALANSI SILA NI PBBM SA ISYU NG ICC -- Tama ang sinabi ni Sen. Ronald dela Rosa na nalansi siya, ang pamilya Duterte at ang publiko sa pahayag noon ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na hindi makikipagtulungan ang Philippine gov’t. sa International Criminal Court (ICC) dahil nga raw, hindi na sakop ng ICC ang Pilipinas.
‘Ika nga, maaaring “pailalim” o sa palihim na pamamaraan ay nakipagtulungan ang Marcos admin sa ICC prosecutors, kasi sa totoo lang, hindi maglalabas ng warrant of arrest ang ICC laban kay ex-P-Duterte kung hindi nakumpleto ng ICC prosecutors ang imbestigasyon at kung hindi ito nakakalap ng mga ebidensya sa extrajudicial killings (EJKs) sa Pilipinas.
Ang nais nating ipunto rito ay totoo ang sinabi noon ni former Sen. Antonio Trillanes na mula nang maging presidente si PBBM ay nakakapaglabas-pasok na sa ‘Pinas ang mga ICC prosecutors, at nang makumpleto na ang mga nakalap na ebidensya, warrant of arrest na ang kasunod kaya naaresto at nakakulong na ngayon sa ICC Jail sa The Netherlands si ex-P-Duterte, period!
xxx
SEN. ROBIN PADILLA, TOTOHANIN KAYA ANG SINABI NIYA NOON NA SASAMAHAN NIYA SA KULUNGAN SI SEN. DELA ROSA? -- Sinabi ni Sen. Dela Rosa na alam niyang siya na ang next target ng warrant of arrest ng ICC at nakahanda na raw siyang magpahuli at magpakulong para may makasama sa piitan si ex-P-Duterte.
Aba’y kung ganyan, dapat tanungin na rin ng mga mamamahayag si Sen. Robin Padilla kung handa rin siyang magpakulong, kasi malinaw naman ang statement niya noon na kapag inaresto si Sen. Dela Rosa ay sasamahan daw niya ito sa kulungan, boom!
XXX
ANG PARTYLIST SYSTEM SA ‘PINAS AY PARA SA MGA MAHIHIRAP AT MARGINALIZED SECTOR, HINDI PARA SA POLITICAL DYNASTY -- Ayon kay Kontra-Daya Convenor Danilo Arao na itinatag daw ang partylist system sa ‘Pinas para sa mga kababayang nasa laylayan o mahihirap na mamamayan at marginalized sector.
Ang masaklap nga lang daw sa paglipas ng panahon, dahil sa pagkiling ng Supreme Court (SC) at Comelec sa mga taong makapangyarihan ay pinasok na ng mga pulitikong may political dynasty ang partylist system ng bansa, kung kaya’t sa ngayon ay sangkatutak na ang mga “Kamag-anak Inc.” politicians na partylist representatives sa Kamara, buset!
XXX
DAPAT SALAKAYIN NG PAOCC ANG MINI-CASINO SA LA TRINIDAD, BENGUET, MGA CHINESE FINANCIER NITO, BAKA MAY KONEK SA MGA CHINESE POGO OPERATORS NA NATIKLO SA BAHAY NI HARRY ROQUE SA TUBA, BENGUET -- Isang Pinoy na nagngangalang “Toyoy” daw ang front, pero mga Chinese daw ang financiers ng isang itinayong mini-casino sa BAPTC, La Trinidad, Benguet.
Aba’y dapat salakayin iyan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kasi baka ang mga Chinese financier na iyan ay may koneksyon sa dalawang Chinese na may sangkot sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na naaresto noon sa bahay bakasyunan ni former presidential spokesman Harry Roque sa Tuba, Benguet, period!
Kommentare