ni Lolet Abania | October 30, 2022
Inanunsiyo ng city government ng Pasig, Manila, at Valenzuela ang pagsasara ng ilang mga sementeryo ngayong Linggo, Oktubre 30, 2022, dahil sa masamang panahon sanhi ng Tropical Storm Paeng na may international name na Nalgae.
“Mananatiling sarado ang Pasig City Cemetery (Barracks) ngayong araw, October 30, 2022 kaugnay ng masamang lagay ng panahon dulot ng Severe Tropical Storm #PaengPH,” pahayag ng Pasig local government unit (LGU) sa isang announcement sa Facebook ngayong Linggo.
Hinimok naman ng Pasig LGU ang mga administrador ng mga private cemetery na ikonsidera na rin ang pagsasara ng kanilang mga sementeryo pansamantala ngayong Linggo.
Gayunman, ang mga burial na nakatakda ngayong Linggo sa Pasig City Cemetery (Barracks) ay magpapatuloy sa iskedyul, maliban kung piliin ng mga pamilya nito na i-reschedule na lamang.
Ayon sa LGU, ang Pasig City Cemetery (Barracks) ay muling magbubukas sa Lunes, Oktubre 31, upang magbigyan ng pagkakataon sa publiko na mabisita ang kanilang mga kaanak na namayapa na para sa paggunita ng All Saints’ Day o Undas.
Iniutos na rin ni Vice Mayor John Marvin Yul Servo Nieto, na kasalukuyang nagsisilbi bilang acting mayor ng Maynila, na ang Manila North Cemetery at Manila South Cemetery ay isara na ngayong Linggo, Oktubre 30.
Ang parehong sementeryo ay sarado na rin nitong Sabado, Oktubre 29, dahil sa sama ng panahon dulot ni ‘Paeng.’
Sa Valenzuela City, nag-abiso na ang LGU sa publiko na lahat ng sementeryo, memorial parks at columbaria ay sarado ngayong Linggo, Oktubre 30, 2022.
“Due to inclement weather caused by Severe Tropical Storm #PaengPH, ALL cemeteries, memorial park, and columbarium in Valenzuela City will remain CLOSED tomorrow, October 30, 2022. Everyone is advised to stay safe at home,” pahayag ng LGU sa kanilang advisory nai-post sa Facebook.
Samantala, ayon sa PAGASA ibinaba na ang Metro Manila sa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ngayong Linggo ng umaga.
Sinabi ng state weather bureau na ang Metro Manila, Cordillera Administrative Region, Calabarzon, Mimaropa, Camarines Provinces, Western Visayas, at ang natitirang bahagi ng Cagayan Valley at Central Luzon ay posibleng makaranas ng mahina hanggang sa katamtaman at paminsan-minsang malakas na pag-ulan ngayong Linggo.
Comments