top of page
Search
BULGAR

Selenium deficiency, sakit sa puso at osteoarthritis 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | January 10, 2023




Dear Doc Erwin,

Dati akong overseas Filipino workers (OFW). 20 years ako nagtrabaho sa Europe. Ayon sa mga residente roon, kailangan umanong uminom ako ng Selenium supplement. Okay lang kaya i-stop na ito? Ano ba ang epekto kapag hindi sapat ang Selenium ng katawan? - Martha


Sagot


Ang Selenium, ayon sa Harvard School of Public Health ay trace mineral na kailangan ng katawan upang makagawa ng mga enzymes at proteins na ginagamit upang makagawa ng genetic material (DNA) at maprotektahan ang ating katawan laban sa cell damage at infection. Tumutulong din ang Selenium upang makagawa ang katawan ng thyroid hormone na gamit upang mapanatili ang tamang metabolism. Makikita ang mataas na concentration ng Selenium sa ating muscles at sa ating thyroid gland.


Kinakailangan natin ng 55 micrograms ng Selenium, araw-araw. Mas mataas ng bahagya ang pangangailangan sa Selenium ng mga buntis at nagpapasuso ng bata, 60 hanggang 70 micrograms, araw-araw. Makukuha ang Selenium mula sa pagkain, tulad ng isda, karneng baka, turkey at manok. Mayaman din sa Selenium ang Brazil nuts, beans at lentils. Kung ang ilan sa mga nabanggit ay kasama sa iyong kinakain sa araw-araw ay maaaring napupunan mo na ang Recommended Daily Allowance (RDA) na nabanggit natin at maaaring itigil ang iyong Selenium supplement.


Kung vegetarian o vegan naman at hindi nakakakain ng mga pagkain na mayaman sa Selenium ay maaaring ipagpatuloy ang pag-inom ng Selenium supplement. Kailangan natin ang hindi bababa sa 55 micrograms araw-araw upang hindi magkaroon ng Selenium deficiency, kung saan maaaring magkasakit sa puso (cardiomyopathy) at magkaroon osteoarthritis.


Makasasama rin ang sobrang Selenium. Ayon sa scientific article, hanggang 800 micrograms ng Selenium ang maaaring inumin araw-araw na hindi magkakaroon ng adverse effect. Kung sobra ang iinumin na Selenium ay maaaring makaranas ng side-effects sa katagalan, tulad ng pagkalagas ng buhok at unti-unting pagtanggal ng mga kuko sa kamay at paa.


Ang kondisyon kung saan nasa toxic level na ang Selenium ay tinatawag na “selenosis”, kung saan maaaring magkaroon ng atake sa puso, kidney failure at acute respiratory distress failure.


Magkakaiba ang resulta ng mga pag-aaral tungkol sa Selenium.


Bagama’t ang iba ay nagpapakita ng pagbaba ng risk para sa cancer at pagkamatay dahil dito, ang iba namang pag-aaral ay hindi nagpapakita ng ganitong epekto. Iba’t iba rin ang resulta ng mga pag-aaral tungkol sa Selenium supplementation at epekto nito sa sakit sa thyroid at sa puso.

 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page