top of page
Search
BULGAR

Sekyu, pinawalang-sala sa kasong Gun Ban

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | January 26, 2024

Narinig n’yo na ba ang Latin na kasabihang,“Nullum crimen, nulla poena sine lege?” o sa ating wika ay walang krimen, kapag walang batas na nagpaparusa.


Kaugnay sa artikulo natin ngayon, ang maling pag-aresto. Para sa kaalaman ng nakararami, walang sinuman ang maaaring maaresto, makulong at maparusahan para sa isang akto na hindi naman pinaparusahan ng batas. 


Kaya naman sa kasong hawak ng Public Attorney’s Office (PAO), ang People v. Pedroso (CA-G.R. CR No. 47228) na isinulat ni Court of Appeals Associate Justice Walter S. Ong, noong ika-23 ng Agosto 2023), pinawalang-sala ng korte ang mga umapela sa kasong paglabag sa Republic Act Number 10591. Ang isa sa ating mga kliyente ay itago na lamang natin sa pangalang “Pedro”.


Bilang pagbabahagi, sinampahan siya noong Abril 1, 2019, sa kasong paglabag sa Commission on Elections (Comelec) Resolution number 10446, o “gun ban” na siyang may kaugnayan sa Republic Act Number 10591, na mas kilala sa tawag na Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act – ito ang batas na nagsasaad ng alituntunin at regulasyon sa paghawak ng mga armas.


Ayon sa prosekyusyon na kinatigan ng mababang hukuman, tama ang pag-aresto kay Pedro, sapagkat noong ika-31 ng Mayo 2019, panahon ng eleksyon, may nauna ng reklamo rito, may nakaaway umano ito at sangkot si Pedro sa isang alterasyon sa loob ng kanyang tahanan, siya rin ay natagpuang may hawak na hindi lisensyadong baril.


Dagdag pa ng mababang hukuman, bilang isang security guard na mayroong hawak na duty detail order, malinaw ang nakasaad dito na limitado lamang ang kanyang awtorisasyon, at ito ay sa tuwing nasa trabaho lamang siya ng gusaling kanyang pinagtatrabahuhan.


Aniya ng mababang hukuman, walang hiwalay na lisensya si Pedro para humawak ng isang baril, at siya ay nahuli sa loob ng kanyang tahanan – kaya ito ay malinaw na dapat siyang maparusahan.


Dahil sa naunang hatol, umapela si Pedro sa hukuman, ang mga sumunod na argumento bilang batayan kung bakit siya'y nararapat na mapawalang-sala: a) Ang bahay kung saan siya nakatira ay hindi rin pampublikong lugar na tinutukoy ng Comelec Resolution number 10446 na sakop ng gun ban; at b) Mayroon siyang lisensya upang maghawak ng baril sa bisa ng duty detail order ng security agency na kanyang pinapasukan.


Matapos masuri ng hukuman ang mga ebidensya at argumento ng estado at ni Pedro, ang desisyon ay alinsunod sa pagpapawalang-sala kay Pedro.


Una, sinabi ng hukuman na walang sapat na ebidensya ang estado na umuusig upang patunayan na hawak ni Pedro ang nasabing baril sa labas ng kanyang tahanan. Sa kabilang banda, nasa loob siya ng kanilang bahay nang siya’y hulihin. Dahil dito, hindi umano nilabag ni Pedro ang Comelec. 


Pangalawa, hindi rin maaaring maparusahan si Pedro sa paglabag ng Republic Act Number 10591 o mas kilala sa tawag na Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, sapagkat wala siyang hiwalay na lisensya – alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Cuenca v. People (G.R. No. L-27586) ika-26 ng Hunyo 1970, na isa pa ring mabisang desisyon aniya ng hukuman para sa apela – sa mga kaso ng ilegal na paghawak ng armas, hindi umano maaaring managot ang isang security guard sa kabiguan ng kanilang pinapasukan na security agency na makuha ang nararapat na lisensya.


Sa muling paglalahad ng nabanggit, at alinsunod sa mga regulasyon - ang lisensya ng isang security guard ay sapat na awtorisasyon na hindi na kailangan pa ng hiwalay na lisensya.


Dahil dito, hindi wasto ang paghatol ng konbiksyon sa kanya ng mababang hukuman sa kadahilanan na wala siyang hiwalay na lisensya, sapagkat sa detail order mismo na kanyang naipakita, malinaw na may lisensya ang security agency na nagkaloob ng baril sa kanya.


Kung maaari man, ang malinaw na paglabag lamang ni Pedro ay ang tungkol sa regulasyon na paghawak ng kanyang service firearm alinsunod sa detail order kaakibat sa pag-isyu ng baril sa kanya ng kanyang agency.


Subalit, tulad ng unang nabanggit hindi ito pinarurusahan ng kahit na anong batas.


Kaya naman, gabay ng Latin na kasabihan na ating nabanggit kanina na, “nullum crimen, nulla poena sine lege” – walang krimen, kapag walang batas na nagpaparusa.


Samakatuwid, ang kuwento ni Pedro ay isa sa mga halimbawa ng pagdaing mula sa maling pagkakaaresto o bilanggo mula sa isang aksyon na hindi naman pinarurusahan ng batas.


Gayunman, kahit pa napawalang-sala si Pedro, dala pa rin niya ang aral sa pag-iisyu at paghawak ng isang baril. Sa ganitong pag-iingat, maiiwasan ang mga sitwasyon at halimbawa ng pagdaing tulad ng sinapit ni Pedro.


Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page