top of page
Search
BULGAR

Sektor ng kalusugan at edukasyon, ‘wag sanang masakripisyo

by Info @Editorial | Dec. 17, 2024



Editorial

Sa darating na taon, isang hamon ang sinasabing maaaring harapin ng ilang ahensya kaugnay sa pondong ilalaan ng gobyerno. 


Bagama’t hindi pa naisasapinal ang magiging national budget sa 2025, ikinababahala na ang ginawang pag-apruba ng mga mambabatas sa tapyas-budget sa ilang programa partikular sa kalusugan at edukasyon.


Naniniwala ang mga apektado sa bawas-budget na may kalakip itong epekto at posibleng malagay sa alanganin ang kalidad ng serbisyo sa mamamayan. 


Tanong pa, paano kaya makakayanan ng ahensya na magpatuloy ng mga programa at serbisyo sa kabila ng posibleng pagbawas sa badyet?


Ang pondo para sa mga paaralan at estudyante ay hindi dapat isakripisyo. Ang mga estudyante ay ang kinabukasan ng bansa, at ang bawas-pondo para sa kanilang pagkatuto ay magdudulot ng malalim na epekto sa kanilang kinabukasan. Ang mga guro at iba pang kawani sa sektor ng edukasyon ay patuloy na nangangailangan ng suporta at mga kagamitan upang mapabuti ang sistema ng pagkatuto.


Sa sektor ng kalusugan, malaki ang pangangailangan ng gobyerno na patuloy na maglaan ng pondo upang mapabuti ang serbisyong medikal. Sa oras na mapag-iwanan ang mga serbisyong ito dahil sa bawas-budget, malaki ang posibilidad na lalala pa ang mga kondisyon ng kalusugan ng mamamayan, at magiging sanhi ng mas mataas na bilang ng mga pasyente na hindi makatatanggap ng tamang lunas.


Bagama’t may mga legitimong dahilan kung bakit kailangang magbawas ng budget, sana ay hindi ito maging dahilan para isakripisyo ang mga programa at proyekto na makikinabang ang nakararami. 


Ang mga ito ay hindi lamang mga proyekto, kundi mga hakbang na magbibigay solusyon sa mga isyu ng kalusugan at edukasyon na matagal nang kinakaharap ng ating bansa. 


Kailangan ng gobyerno na maghanap ng mga paraan upang mapanatili ang sapat na pondo para sa mga programang ito at tiyaking hindi malalagay sa alanganin ang kapakanan ng mamamayan.



0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page