top of page
Search
BULGAR

Security personnel ni Pilar, Abra Vice Mayor Disono, patay sa shooting incident

ni Lolet Abania | March 29, 2022



Patay ang isang security personnel ni Pilar, Abra Vice Mayor Jaja Josefina Disono sa naganap na barilan ngayong Martes sa lugar, kung saan pinaniniwalaan ng lokal na opisyal na isang ambush habang inilarawan ito ng pulisya bilang armed encounter.


Ayon kay Disono, pauwi na siya sa kanyang bahay na galing sa municipal hall nang mangyari ang shooting incident.


“May kausap lang ako. Tapos po sinabi ng empleyado na ‘yung tatay noong kalaban ng kapatid ko na incumbent mayor pumunta sa pulis. Tapos, mamaya may checkpoint,” sabi ni Disono.


Sinabi ng alkalde na huminto ang sasakyan niya sa isang checkpoint at pinadaan na rin kalaunan. Aniya, sinabihan ng pulisya ang kanyang tauhan na lulan naman ng isa pang sasakyan na bumaba rito.


“Siguro natakot, eh sumunod na sa amin. Binakbakan na ‘yung kasama namin, ‘yung sa likod. May namatay po kaming kasama,” saad ni Disono.


Sa inisyal na report mula sa PROCOR, alas-10:30 ng umaga naganap ang insidente sa Barangay Poblacion, kung saan hindi pinansin ng Toyota Hiace ang checkpoint matapos na parahin ito ng mga pulis.


Ayon sa pulisya, ang dalawang personnel ng Regional Mobile Force Battalion 15, na nagsisilbi bilang kanilang rear security, ay binangga umano ng naturang sasakyan.


Batay pa sa report, isang police mobile ang humabol sa tumatakas na Toyota Hiace habang ang mga sakay nito ay nagpaputok umano ng baril sa sasakyan ng pulisya.


“Hot pursuit operation ensued, wherein the motor vehicle fled towards the compound/residence of Vice Mayor Jaja Josefina Disono,” ayon sa report.


Ayon kay PROCOR chief Police Brigadier General Ronald Lee, hindi isang ambush ang nangyaring insidente.


“Hindi ambush. VM and her armed civilian escorts ignored the PNP checkpoint at sinagasaan ang dalawang pulis natin at pinuputukan ng mga armed goons ni VM kaya nagkahabulan,” giit ni Lee.


Sinabi pa ni Lee, kinordon na ng pulisya ang tirahan ni Disono dahil ang mga armadong indibidwal ay nagtungo roon.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page