ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 20, 2024
Photo: Vilma, Kathryn at Alden - Instagram KathDen
Hindi na lang basta director ang tinaguriang “Box Office Director” na si Direk Cathy Garcia-Sampana kundi isa na rin siyang star builder dahil finally, pinasok na nga niya ang pagdi-discover at pagma-manage ng mga baguhan at wannabe stars.
Kahapon ay ginanap ang grand launch at contract signing ng pool of talents ng Clnjk (pronounced as Clinic) na talent arm ng Nickl Entertainment ni Direk Cathy sa Uhaw Resto Bar sa Sumulong Highway, Antipolo at present du’n ang mga talents na hindi lang gustong maging aktor at aktres kundi may rapper, singer at songwriter din.
At maging ang sikat nang singer na si Frenchie Dy ay under na rin pala ng Clnjk at kasabay na ring pumirma ng kontrata kahapon.
Sa opening speech pa lang ni Direk Cathy, nilinaw na niyang hindi personality ang unang hanap niya sa mga kinukuha niyang talents kundi ATTITUDE.
Yes, 90% attitude at 10% pleasing personality ang requirement ni Direk Cathy sa mga nag-a-apply sa kanyang talents.
Katwiran kasi ng magaling na director, nai-improve ang looks at even ang talent ng isang tao, pero kapag may bad attitude, ‘yun ang masakit sa ulo at siyempre, ayaw ng stress ni Direk Cathy.
Tinanong nga namin si Direk Cathy kung ano’ng attitude ng isang talent o artista ang pinakaayaw niya at bilang prangka siyang tao, inamin niyang ayaw na ayaw niya ‘yung HINDI NAKIKINIG at LAGING LATE.
Ayaw daw niya ‘yung binibigyan niya ng instruction tapos paulit-ulit at hindi makuha dahil hindi nakinig. Sayang nga naman ang oras at lahat ng nasa production ay maaabala.
At du’n nga niya nabanggit kung paano niya pinagsabihan at ‘pinaghiwalay’ sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla nang una niyang ma-meet sa storycon ng Got To Believe.
First time raw nilang magkikita-kita at habang nagbibigay ng instruction, napansin niya ang dalawa na bulungan nang bulungan kaya sinutsutan at sinabihan niya ang mga ito na maghiwalay muna.
Sumunod naman daw sina Kathryn at Daniel at in fairness ay marunong namang makinig kaya wala siyang naging problema sa mga ito.
Isa pang ayaw ni Direk Cathy ay laging late. Kung minsan lang daw ay mapagbibigyan pa niya, pero kung pinagalitan na niya at paulit-ulit pa rin, ‘yun na talaga ang tinatanggihan niyang makatrabaho.
Kinantiyawan nga namin siya kung sino ba ang tinutukoy niya pero tawa lang nang tawa ang magaling na director at hindi na nag-name names para tahimik ang buhay niya. Hahaha!
Samantala, inamin ni Direk Cathy na talagang in-expect niyang magba-box office ang Hello, Love, Again na huling movie na ginawa niya na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards, dahil alam daw niyang may captured audience na ang part 2 ng Hello, Love, Goodbye.
At very thankful si Direk Cathy dahil kung ang pagbabasehan ay hindi kung magkano ang kinita ng movie kundi ang number of tickets sold, pangalawa raw ang HLA sa Anak movie ni Star for All Seasons Vilma Santos-Recto among all Filipino films na naipalabas.
Ang ikinagulat lang namin ay ang inamin ni Direk Cathy na ilang beses na raw may offer sa kanya para idirek si Star for All Seasons Vilma Santos sa isang movie pero tinanggihan niya dahil hindi raw niya kaya at hiyang-hiya siya kung paano sasabihin sa isang napakalaking artista na tulad ni Ate Vi na mag-take 2 sa eksena.
Na-overcome naman daw niya ang fear na ito kina Vice Ganda at Megastar Sharon Cuneta, pero kay Ate Vi ay hindi raw talaga niya kaya.
Oh, ‘di ba, kahit kilalang napakaprangka ni Direk Cathy, very honest din siya sa kanyang mga fears and insecurities.
Tao lang naman.
Makabuluhan ang naging topic sa CIA with BA hosted by Sen. Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano at Boy Abunda last Sunday (Dec. 15).
Pinag-usapan kasi nila kung okay lang ba at tamang tumanggap ang isang kawani ng gobyerno ng regalo mula sa mga private individuals since magpa-Pasko naman.
Tiyak na may natutunan ang mga govt. employees sa sinabi ni Sen. Alan na may umiiral na batas ukol sa pagtanggap ng regalo at bribery.
Aniya, ang mga regulasyong ito ay naglalayong protektahan hindi lamang ang publiko kundi pati ang mga empleyado ng gobyerno. Ang pagtanggap ng mga mamahaling regalo ay ipinagbabawal upang maiwasan ang mga sitwasyong maaaring magmukhang suhol o bribery.
“Halimbawa, birthday mo o Pasko, may magbibigay ng pagkain, ‘yan puwede ‘yan,” paliwanag niya.
Pero kung tulad daw ng cellphone o iba pang mga mamahaling regalo, bawal na ‘yun dahil puwede nang isiping ito ay isang suhol para sa hinihinging pabor sa govt. employee.
Ang segment ay nagbigay ng mahalagang paalala sa mga empleyado ng gobyerno tungkol sa tamang asal at pagsunod sa batas, lalo na ngayong Kapaskuhan kung kailan karaniwan ang pagbibigayan ng regalo.
Sa pamamagitan ng ganitong mga diskusyon, patuloy na nagbibigay-kaalaman ang CIA with BA upang gabayan ang mga manonood sa tamang pagsunod sa mga etikal na pamantayan sa pamahalaan.
Ang CIA with BA ay umeere tuwing Linggo, 11:00 PM sa GMA-7, may replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 PM.
Comments