ni Thea Janica Teh | December 1, 2020
Bawal pa rin lumabas ng bahay at pumasok sa mga malls ang mga menor de edad sa Metro Manila sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) kahit na sinabi na ni Interior Secretary Eduardo Año na puwede na basta’t may kasamang magulang.
Ayon kay Police Brig. Vicente Danao, ang mga authorized persons outside homes (APOR) at essential workers lamang ang maaaring lumabas at papasukin sa mga malls sa Metro Manila.
Aniya, makikipag-usap umano ito sa mga mall managers upang hindi papasukin ang mga menor de edad dahil sa panahon ngayon, mas marami umanong pumupunta sa mall upang mamili.
Ito rin umano ay para makaiwas sa pagkalat ng COVID-19. Ibinahagi rin ni Dr. Tony Leachon, dating adviser ng pandemic task force ng pamahalaan na maaaring maging “superspreaders” ng COVID-19 ang mga bata kung papayagan itong makalabas ngayong holiday.
Dagdag pa ni Danao, magtatalaga pa ng mas maraming pulis sa Divisoria at ilan pang mga malls upang mas mapahigpit ang implementasyon ng minimum health standard tulad ng physical distancing at pagsusuot ng face mask at face shield.
Comments