top of page
Search
BULGAR

Seaman na mas suwerte sa pagbabarko kaysa sa pagnenegosyo

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | January 22, 2023



KATANUNGAN


  1. Kagagaling ko lang sa abroad bilang seaman at may inaalok na negosyo sa akin ang dating kasamahan ko sa trabaho. Magtayo raw kami ng auto-mechanic services, ako naman ay may kaunting alam sa nasabing trabaho.

  2. Naisipan kong sumangguni muna sa inyo upang malaman kung bagay ba sa akin ang negosyong ito o mas mabuting bumalik na lang ulit ako sa barko? Sana ay magabayan mo ako kung saang larangan ako uunlad at aasenso.

KASAGUTAN


  1. Magbalik ka na lang muna sa pagbabarko o pangingibang-bansa, sapagkat walang namataang maganda at makapal na Business Line (Drawing A. at B. N-N arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad sa kasalukuyan. Bagkus, ang nakasama pa nito, may tila maliit na guhit ng negosyo (arrow b.), na nahulog naman sa pagitan ng palasinsingan at hinalalato (arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  2. Ibig sabihin, kung hahawak o magsisimula ka ng negosyo at bukod sa may kasosyo ka, hindi naman ikaw ang direktang mamamahala, malamang na bumagsak lang ito at sa bandang huli, baka magkagalit pa kayo ng kasosyo mo. Habang ikaw naman ay babalik sa mahirap na buhay dahil sa nahulog na guhit sa pagitan ng hinliliit (arrow b.), na nagbabadya rin na kapag nagpadalos-dalos ka ng desisyon sa career, mauuwi sa wala ang lahat ng naitatabi mong salapi o kinita mong pera sa pagbabarko.

  3. Sa madaling salita, kung sasabak ka sa negosyo, mas maganda kung misis mo ang iyong kasosyo o kayong dalawa ng misis mo ang magnenegosyo, habang siya ang magsisilbing finance manager o tagakontrol ng paglabas at pagpasok ng pera, lalo na kung wala naman siyang guhit na nahulog sa pagitan ng mga daliri (arrow b.) sa kaliwa at kanan niyang palad. Gayunman, ikaw ang trabahador o utusan ni misis. Sa ganyang paraan, mas mabilis kayong uunlad hanggang sa yumaman nang husto ang iyong pamilya.

  4. Sa kabilang banda, hindi mo ba napansin na sobrang lawak, maganda at talaga namang makapal ang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad? Ito ay malinaw na tanda na sa patuloy na pabalik-balik sa ibayong-dagat, mas mabilis kang uunlad at aasenso hanggang sa tuloy-tuloy na ring yumaman.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Tunay ngang masarap magnegosyo dahil unang-una, wala kang amo at hawak mo pa ang oras mo. Gayunman, maganda lamang ang negosyo kung ang sisimulan mo ay hilig mo talagang gawin, habang wala kang nahulog na guhit sa pagitan ng iyong mga daliri (arrow b.). Pero kung may nahulog na guhit sa pagitan ng mga daliri (arrow b.), hindi naman natin sinasabi na huwag kang magnegosyo, sa halip, kailangang maging matipid ka sa paggastos o ang misis mo ang magma-manage ng financial transaction sa itatayo mong negosyo. Sa ganyang paraan, tulad ng nasabi na, mas madaling lalago ang kabuhayan ng iyong pamilya hanggang sa tuluyan kayong yumaman.

  2. Habang, ayon sa iyong mga datos, Jeremy, wala sa negosyo ang suwerte mo ngayon kundi nasa paulit-ulit na pagbabarko. ‘Yan muna ang gawin mo at makikita mo na paglipas ng lima hanggang pitong taon mula ngayon, maunlad na maunlad ka na hanggang sa tuluyan na ring yumaman ang inyong pamilya (Drawing A. at B. H-H arrow d.).

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page