ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 04, 2021
Dear Sister Isabel,
Dalangin ko sa Poong Maykapal na maging ligtas kayong lahat sa kapahamakan at negatibong puwersa ng kalikasan. Kasasakay ko lang ulit sa barko, at ako ay may asawa at dalawang anak. Okay naman ang buhay namin kahit minsan ay may problema dahil nalulutas naman ito agad. Mabait ang asawa ko, pero kamakailan ay parang nag-iba na siya. Mainitin ang ulo niya at palaging nakasigaw sa mga anak namin. Naririndi na ako sa lakas ng boses niya at nagagalit siya ‘pag pinagsasabihan ko. Ang isa pang ipinagtataka ko, wala siyang naiipon kahit walong taon na akong seaman. Malaki naman ang perang ipinadadala ko, pero wala siyang naitabi kahit magkano. Ayaw ko namang awayin siya dahil baka mauwi sa paghihiwalay ang pagsasama namin.
Hanggang ngayon, wala kaming naipupundar na bahay at nangungupahan pa rin kami. Sa inis ko, natukso akong pumatol sa aking high school classmate na dalaga pa. Naging girlfriend ko siya noong high school at nang nag-reunion kami bago ang pandemya ay nagkabiruan kami at muling nanariwa ang pagtitinginan namin.
Alam niyang may pamilya na ako pero okay lang daw sa kanya, kaya natukso akong pumatol ulit sa kanya. Walang kamalay-malay ang asawa ko na tuloy ang komunikasyon namin ng nasabing babae. Nahuhulog na ang loob ko sa kanya habang tumatabang na ang pagtingin ko sa aking asawa. Hindi kasi siya marunong humawak ng pera at tulad ng nasabi ko, madalas siyang nakasigaw at magalit nang walang dahilan.
Sa pakiramdam ko ay mas mahal ko ngayon ang ex ko, ano ang dapat kong gawin pagbalik ko sa Pilipinas, ituloy ko ba ang pakikipagmabutihan sa babaeng napamahal ulit sa akin? Sa nakikita ko ay mahal na mahal niya rin ako at handang maghintay na siya ang piliin ko at handa ring dalawa sila sa puso ko. Naguguluhan ako, Sister Isabel. Sana ay mapagpayuhan ninyo ako.
Nagpapasalamat,
Elmer ng Catanduanes
Sa iyo, Elmer,
Ganyan talaga ang nangyayari sa kagaya mong seaman, ang hindi kuntento sa isa. Sabagay, may kani-kanyang katwiran at isa pa, tao lang na madaling matukso, lalo na kung babae ang magpaparamdam. Sa palagay ko ay dapat mo nang tapusin ang relasyon mo sa dati mong sweetheart. Alalahanin mo, iba na ngayon dahil pamilyado ka na at sabi mo ay mabait naman ang asawa mo. Mahirap din naman ang naging role niya kapag sumasakay ka sa barko at iniiwanan mo sa kanya ang lahat ng problema sa mga anak ninyo. Talagang magastos ang buhay ‘pag may anak, lalo pa’t nag-aaral na ang mga ito dahil napakaraming projects sa school na dapat bilhin. Marami ring program na sa palagay ko ay kasali ang mga anak mo. Bukod pa r’yan ‘yung paminsan-minsan na magkakasakit sila at dadalhin sa doktor. Magastos magkasakit at kinaya lahat ‘yan ng asawa mo nang walang katuwang. Kung umuwi ka bago ang pandemya at napansin mong nag-iba siya, natural lang ‘yan dahil sa sitwasyon.
Marapat lamang na pagpasensiyahan mo siya at hindi katwiran ‘yun para magkaroon ka ulit ng bagong karelasyon. Masyadong mababaw ito kumpara sa pagtitiis ng misis mo, kaya ang maipapayo ko ay putulin mo na ang relasyon ninyo ng iyong dating karelasyon.
Samantalahin mo hangga’t nand’yan ka sa barko, tuluyan mo nang tapusin ang relasyon n’yo at iukol ang sarili at panahon sa kung paano kayo magkakaroon ng sariling bahay kaysa gugulin mo ang iyong pera sa pangalawang babae sa buhay mo dahil maling-mali ‘yan.
Pasasaan ba’t mawawala rin ang pagmamahal ng dati mong sweetheart ‘pag tumigil ka na sa pakikipag-communicate sa kanya. Magigising siya sa katotohanan na may asawa at anak ka, at kabit lang ang magiging role niya. Hanggang dito na lang, sana ay naliwanagan ang isip mo sa ipinayo ko sa iyo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments