ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 26, 2020
Mariing hinihimok ng inyong lingkod ang Department of Education (DepEd) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na tiyaking ang mga gusali ng mga paaralan ay kayang tumindig sa gitna ng paghagupit ng mga bagyo.
Ayon sa Education Cluster Report noong Nobyembre 15, mahigit isang libong mag-aaral sa halos 70 dibisyon ang apektado ng Bagyong Ulysses. Halos dalawang libong mag-aaral naman sa 36 na dibisyon ang naapektuhan dahil sa Bagyong Rolly. Ayon sa DepEd, humit-kumulang siyam na bilyong piso ang kailangan upang muling maipatayo ang nasirang mga paaralan.
Mahalaga ang pagkakaroon ng mga ‘typhoon-resistant buildings’ upang mapanatili ang kaligtasan ng mga paaralan na kadalasan ay ginagamit bilang evacuation centers. Alam naman nating ang mga paaralan ay hindi itinayo para magsilbing evacuation center, ngunit patuloy pa rin ang paggamit sa mga ito sa ganoong paraan.
Sa ilalim ng ating panukalang Evacuation Center Act o ang Senate Bill No. 747, kailangang magpatayo ng permanenteng evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa. Layon din ng naturang panukalang-batas na magpatayo ng mga dagdag na pasilidad sa mga paaralan na magsisilbing evacuation center.
Bukod dito, nakasaad din sa panukala na kinakailangang ang mga gagawing evacuation center ay kayang labanan ang hanging may bilis na 320 kilometers per hour o lindol na hindi bababa sa 7.2 magnitude. Dapat ding sumusunod ang mga pasilidad na ito sa National Building Code of the Philippines o ang Republic Act No. 6541.
Sa ating pagpapatayo ng mga bagong gusali sa mga paaralan, dapat nating siguruhing ang disenyo ng mga ito ay kayang makaiwas sa pinsalang maaaring idulot ng mga kalamidad.
Ayon sa opisyal ng DepEd, ang substandard construction ang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na nasisira ang maraming paaralan tuwing bumabagyo. Base sa kanyang obserbasyon, malaki ang posibilidad na gumuho ang kisame ng mga gusaling ipinatayo noong 2014 hanggang 2019.
Kung ang suhestiyon ng naturang opisyal ay lagyan ng storm protector ang mga bubong at bintana ng mga paaralan upang mas maging ligtas ang mga ito, sa ganang akin naman ay ang paglalagay ng roof decks na konkretro ay solusyon din kaysa naman palaging pinapalitan ang mga nasisirang bubong sa tuwing may bagyo.
Mahalaga ang pagkakaroon ng matitibay na mga paaralan hindi lamang para sa agarang pagpapatuloy ng edukasyon kundi para rin sa kaligtasan ng mga residente na matinding naaapektuhan ng dumadating na mga kalamidad. Dapat bigyan natin ito ng prayoridad.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentarios