@Buti na lang may SSS | Januuary 14, 2024
Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay dentista rito sa Mandaluyong City. Ano ang schedule ng pagbabayad sa SSS ng katulad kong dentista. Salamat. — Abigail
Mabuting araw sa iyo, Abigail!
Itinuturing ng SSS ang mga katulad ninyong dentista bilang mga self-employed member. At para sa mga self-employed member, ang deadline ng pagbabayad ng inyong kontribusyon sa SSS ay tuwing huling araw ng kasunod na buwan ng applicable month o quarter.
Ibig sabihin, ang iyong kontribusyon para sa buwan ng Disyembre 2023 o di kaya’y para sa 4th quarter ng 2023 (Oktubre hanggang Disyembre 2023) ay maaari mong bayaran hanggang Enero 31, 2024.
Ito rin ang sinusunod na deadline ng contribution payment ng mga voluntary at non-working spouse member ng SSS.
Sinu-sino ba ang mga self-employed? Sila ang mga indibidwal na kumikita mula sa kanyang sariling negosyo o propesyon na walang employer kung hindi ang kanyang sarili habang hindi pa siya umaabot ng 60 taong gulang.
Kabilang dito ang mga propesyonal tulad ng abogado o doktor, may sariling opisina man o wala, mga nagmamay-ari o magkasosyo sa negosyo, mga artista, direktor o manunulat ng pelikula na hindi itinuturing na empleyado, mga propesyonal na atleta, coaches, hinete at tagapagsanay, gayundin ang mga magsasaka at mangingisda na sinaklaw naman noong 1995. Kabilang din dito ang mga contractual at job order worker na nasa mga ahensya ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, ang SSS contribution rate ay 14% ng monthly salary credit na hindi hihigit sa P30,000. Maaari mo namang ibatay ang halaga ng iyong magiging buwanang kontribusyon, Abigail sa monthly salary credit o ang salary level kung saan nakabase ang iyong buwanang kita na idineklara mo naman sa iyong registration form o SS Form E-1 (Personal Record).
Samantala, ang Schedule of Contributions ay makikita sa SSS website, www.sss.gov.ph o kaya’y sa Facebook page nito sa Philippine Social Security System. Dagdag dito, ang buwanang kontribusyon ng self-employed ay maaaring tumaas o bumaba batay sa iyong aktuwal na kinikita.
Halimbawa, Abigail ang idineklara mong buwanang kita sa registration form ay P19,250.
Batay sa Schedule of Contributions, ito ay katumbas sa P19,500 monthly salary credit at may kaukulang SSS contribution na P2,730 kada buwan at P30 naman kada buwan ang para sa iyong Employee’s Compensation (EC) contributions na may kabuuang halaga kontribusyon na P2,760 kada buwan.
Simula noong September 2020 ay sakop na rin ng Employees’ Compensation Program ang mga self-employed member na katulad mo, Abigail. Ito ay karagdagang proteksyon kung sakaling ikaw ay magkasakit, mabalda o mamatay habang naghahanapbuhay. Ito ay nagkakahalaga ng P10 kada buwan kung ang kita mo ay P14,749.99 pababa at P30 naman kada buwan kung ang kita ay P14,750 pataas.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Comments