ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Pebrero 20, 2024
Kung hindi magtatagumpay ang mga mag-aaral sa kanilang edukasyon, maliit lang ang tsansang makakuha sila ng magandang trabaho. Isa sa mga dahilan nito ay ang maagang pagbubuntis ng mga babaeng kabataan.
Nakakapanghinayang isipin na napakarami sa kanila ang mahuhusay pero dahil sa kanilang mga responsibilidad bilang batang ina, naisasantabi ang kanilang edukasyon. Ang resulta: paghinto sa pag-aaral at kawalan ng sapat na skills set at competencies para ihanda sila sa pagtatrabaho.
Sa nagdaang pagdinig ng Senate Committee on Basic Education ukol sa pag-aanalisa sa 2022 Program for International Student Assessment (PISA) results ng bansa, naibahagi ng inyong lingkod na, “Girl students outperform the boys.” Kaya naman mahalaga na tutukan at seryosohin natin ang mga hakbang upang maresolba ang suliraning tulad ng teenage pregnancy.
Sa ating panawagan sa Department of Education (DepEd) na paigtingin ang pagtuturo ng Comprehensive Sexuality Education (CSE) sa mga paaralan, matitiyak natin na may akma at wastong edukasyon ang mga kabataan upang maging mas maalam sila sa sarili nilang pangangatawan at kalusugan, at malaman ang kahihinatnan kapag nabuntis o nakabuntis sa murang edad. Sa pamamagitan din ng CSE, nagiging malinaw sa ating mga kabataan ang kahalagahan ng kabutihang asal at pag-uugali.
Sa ganitong paraan, mapoprotektahan natin sila, mapapanatili sila sa pag-aaral at higit sa lahat makakamit nila ang maginhawang kinabukasan.
Tulad ng nabanggit ni DepEd Assistant Secretary Alma Ruby Torio, mainam rin na mayroong Alternative Delivery Mode (ADM) ang DepEd, kung saan inihahandog ang mga alternatibong paraan upang makatapos ng pag-aaral ang mga batang hindi makapasok sa klase dahil sa iba't ibang dahilan — kabilang na rito ang pag-dropout dahil sa maagang pagbubuntis.
Sa inilathala ng Bureau of Learning Delivery-Teaching and Learning Division sa ilalim ng DepEd, ang ADM ay ginagawa sa bahay ng bata at ibinibigay ang pagtuturo sa mga magulang. Mahalaga na makadalo ang magulang ng bata sa isang pagsasanay na isasagawa ng paaralan upang magabayan ang mga magulang sa mga paraan ng pagtuturo.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, katuwang ang inyong lingkod sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga mag-aaral at sama-sama tayo para puksain ang maagang pagbubuntis ng mga kabataan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments