ni Fely Ng - @Bulgarific | June 11, 2022
Hello, Bulgarians! Nakakuha ng 90.19 net satisfaction rating ang PhilHealth sa isinagawang survey ng NovoTrends PH, Inc., noong Disyembre 2021. Ang nasabing survey ay nilahukan ng 5,000 kliyente na binubuo ng mga miyembro, employer, health care institutions (HCI) representatives at professionals na bumisita sa mga Local Health Insurance Office ng PhilHealth sa buong bansa.
Pinakamataas na rating ang ibinigay ng mga employers na 90.26%. Sinundan ito ng 90.19% mula sa individual members, 77.14% mula sa mga ospital at 83.63% mula sa health care professionals.
Ang kabuuang resulta ng survey, na katumbas ay “excellent” ay nagpakita ng malaking pag-angat sa satisfaction rating ng PhilHealth mula sa 87.7% noong taong 2020. Kinumpirma ng report ang kahusayan sa serbisyo kung saan tatlo sa apat na individual members ang nagbigay ng “very satisfied” na marka. Isa sa kadahilanang nabanggit ay ang agarang pagbabawas ng kanilang benepisyo sa kabuuang bill bago sila lumabas ng ospital. Ipinahayag din nila ang kasiyahan sa pakikipag-transaksyon sa mga tanggapan ng PhilHealth.
Nabanggit din sa nasabing survey na 7 sa 10 employer ang “very satisfied” sa benepisyo at serbisyo ng PhilHealth. Ayon sa kanila, “organisado at maganda at may respeto ang pakikitungo sa kanila” ng mga empleyado ng PhilHealth. Kasama rin sa mataas na marka ang benepisyo at serbisyo ng PhilHealth. Anang employer representatives, pinanatili ng PhilHealth ang magandang relasyon sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono at pagbisita sa kanilang mga tanggapan para sa maayos na pagsusumite ng mga dokumento at pagre-remit ng kontribusyon.
Nagbigay din ng “satisfied” ratings ang mga representative ng mga ospital at pasilidad para sa mga empleyado ng PhilHealth na “may kaalaman sa kanilang trabaho at madaling lapitan”. Binanggit din na sa mga nakalipas na taon, ang PhilHealth ay agresibo sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga ipinatutupad na polisiya. Nauunawaan din nila ang pagbagal sa pagbabayad ng claims noong 2021 dahil sa sitwasyong kinahaharap ng PhilHealth. Idinagdag pa ng mga respondent na kapansin-pansin ang kagalingan at positibong ugali ng mga empleyado ng PhilHealth.
Ayon naman sa mga healthcare professional, “secured” ang pagkuha nila ng professional fees at palaging nagbibigay ang PhilHealth ng detalyadong impormasyon tungkol sa benepisyo. Matulungin din ang mga empleyado ayon sa kanila.
Samantala, ang pangunahing pinagmumulan ng impormasyon sa PhilHealth ng indibidwal na miyembro ay ang information desk sa mga Local Health Insurance Office, samantalang PhilHealth website naman ang binibisita ng mga representatives ng mga pasilidad. Ang PhilHealth Facebook page na @PhilHealthOfficial naman ang pinaka-popular na social media application na kanilang source ng impormasyon.
“Kami ay natutuwas sa resulta ng survey na ito. Layunin naming mapanatili mas mapataas ito sa mga susunod na taon upang mas maging karapat-dapat kami sa tiwalang ipinagkakaoob ng mga Filipino tungo sa pagtupad ng Universal Health Care,” pahayag ni Atty. Dante A. Gierran, Pangulo at Punong Tagapagpatupad ng PhilHealth.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.
Comments