ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | January 10, 2022
Nakatakdang humataw si Rolex Women’s World No. 8 Yuka Saso ng Pilipinas sa Hilton Grand Vacation Tournament of Champions sa palaruan ng Lake Nona Golf Course ng Orlando, Florida simula sa Enero 20 hanggang 23 sa isang mainit na pagsalubong ng prestihiyosong Ladies Professional Golf Association o LPGA ngayong 2022.
Bagamat nakatakdang maging isang Japanese citizen kapag sumampa sa edad 23, ang bandila pa rin ng Pilipinas ang kinatawan ng 20-anyos na Fil-Japanese sa kompetisyong sa nila larangan ng kabuuang papremyong US$1,500,000 at lalahukan lang ng mga pili at kampeong lady parbusters mula sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig.
Galing si Saso, dating Asian Games double gold medalist, sa isang produktibong taon sa pro circuit sa US. Isinulat niya ang kasaysayan bilang isa sa dalawang pinakabatang manlalaro na naging kampeon sa isang major golf tournament nang hirangin siyang reyna ng US Open. Ilang top 10 performances (Cognizant Founder’s Cup, 4th; Lotte Championships, 6th; Arkansas Championships, 4th) ang ipinoste rin niya sa LPGA rookie season bukod pa sa isang top 9 na laro sa Tokyo Olympics.
Pero puro malulupit ang kalibre ng mga kalahok na sasagupain niya sa paligsahan sa Florida. Kasama sa listahan sina dating British Open queen Sopia Popov ng Germany, world no. 4 Imbee Park ng South Korea, Haponesang si Nasa Hataoka na pang-anim sa buong mundo, world no. 1 at Olympic champion Nelly Korda ng USA, Rio Olympics silver medalist at Tokyo Olympics bronze medalist Lydia Ko mula sa New Zealand, world no. 23 Ariya Jutanugarn ng Thailand, world no. 11 Danielle Kang ng USA at French star Celine Boutier (world no. 29).
Sa kasalukuyan ay 29 lady golfers lang ang pinapayagang lumahok sa bakbakan.
Comentários