ni Eddie M. Paez Jr. / MC - @Sports | July 30, 2020
Lalong humigpit ang kapit ni Fil-Japanese Yuka Saso sa isa sa mga upuang pinag-aagawan para sa Tokyo Olympics sa larangan ng golf base sa pinakahuling Tokyo Olympics Golf Rankings.
Umakyat sa pang-47 baytang si Saso mula sa pang-50 posisyon sa listahang nagdedetalye ng 60 lady parbusters na may karapatang lumahok sa prestihiyosong sports event na nausog na mula 2020 papuntang 2021 dahil sa pananalasa sa buong mundo ng Coronavirus 2019 (COVID-19) pandemic.
Ang pag-angat sa listahan ni Saso, 19-taong-gulang at may-ari ng dalawang gintong medalya mula sa huling Asian Games, bukod pa sa maraming amateur podium performances, ay sanhi ng pagsampa niya sa 5th place sa Japan Ladies Professional Golf Association (JPLGA) Earth Mondamine Cup sa Chiba, Japan.
Hindi malayong umakyat pa sa Tokyo rankings ang dalagita dahil inaasahan ang patuloy niyang pagkinang sa JLPGA sa mga susunod na buwan.
Samantala, mahirap ang walang ehersisyo o aktibidad ang mga bata ngayon panahon ng pandemic, at dahil bawal silang lumabas at magsama-sama para man lang makadalo sa sports clinic, nakaisip ng paraan ang Milo Philippines na gawing digital ang sports program nila. Sa pamamagitan ng digital platform, ipaliliwanag ni Lester P. Castillo, asst. VP ng Nestle Phils ang paglulunsad kung paano mapalalakas ng mga bata ang kanilang katawan at manatiling nage-ehersisyo kahit nasa bahay lamang bilang panauhin sa Tabloids Organization in Philippine Sports TOPS Usapang Sports on Air via Zoom online ngayong Huwebes ng 10:00 am. Kasama sina sports partner coach Igor Mella ng Phil. Taekwondo Association at 2019 SEAG gold medalist, 2020 PTA National Online Speed Kicking Champion Pauline Lopez, na siyang MILO ambassador, iaanunsiyo ang bagong online sports campaign, Milo home court (MHC).
Tampok sa kanilang slides at videos ang overview ng kampanya, detalye ng program, campaign video launch, kasama ang pivoting sports program online ni coach Mella, video ng interactive training sessions at iba pang programa ng MHC.
Comments