top of page
Search
BULGAR

Sasalamat sa pagmamahal, Fr. Ricky Ganisi, OFM

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Oct. 20, 2024



Fr. Robert Reyes

Ika-13 ng Marso 2013, mahigit nang 11 taon ang nakararaan nang hinirang na Papa si Jorge Mario Bergoglio. Pinili ni Cardinal Bergoglio ang pangalang Francis dahil sa kanyang paghanga at paniniwala sa halimbawa ni Saint Francis of Assisi. 


Hindi Pransiskano si Pope Francis. Isa siyang miyembro ng mga Hesuwita, ang kongregasyong itinatag ni Saint Ignatius of Loyola. Nagkataong nagsisimula rin ang aking paghuhubog bilang nobisyo ng Unang Orden ng mga Pransiskano sa San Juan de Plasencia sa Liliw, Laguna.


Malinaw na malinaw sa aming mga Pransiskano ang ibig sabihin ng pangalang Papa Francesco o Pope Francis. Maliwanag na maliwanag na magiging sentro sa bagong Papa ng Simbahang Katolika ang mga usaping pangkapaligiran, pangkalikasan. At ganoon nga mula noon hanggang ngayon ang naging pamumuno si Papa Francesco. Kaya ang isa sa pinakakilalang liham pastoral niya ay ang “Laudato Si,” -- Nawa’y purihin ang Panginoon, ang awit sa Inang Kalikasan ni Saint Francis of Assisi o San Francisco ng Assisi.


Pagkaraan ng mahigit limang taon, nagpaalam tayo sa mga Pransiskano upang bumalik sa Diyosesis ng Cubao. Ngunit, hinding-hindi na mabubura sa aking pagkatao’t pagka-pari ang diwa at halimbawa ng buhay ni Saint Francis of Assisi, ang kakaibang pagmamahal ng munting santo sa inang kahirapan at Inang Kalikasan. Sa simula pa lamang, niyakap na ng santo ang buhay ng kahirapan at kapayakan. Iniwan niya ang luho at layaw ng buhay, at yaman ng kanyang amang si Pietro di Bernardone at inang si Pica. 


Madrama ang kanyang pagtalikod sa kinagisnang buhay nang ipinahayag ng kanyang ama sa harapan ng obispo at taumbayan ng Assisi na hindi na niya anak si Francis dahil sa ginawa nitong pamamahagi ng mamahaling telang galing pang Francia sa mga mahihirap ng Assisi. Nang sabihin ito ng kanyang ama, ang payak na tugon ni Francis ay,“Wala akong ibang Ama kundi Siyang kaisa-isang Ama ng lahat sa langit.” At halos kasabay ng kanyang pagbitiw ng mga salitang ito, hinubad ng santo ang kanyang mga mamahaling damit at inabot ang mga ito sa kanyang ama. Tumindig ang obispo upang balabalan ang huba’t hubad na si Francis.


Mula noon hanggang sa kanyang kamatayan, suot-suot ng santo ang hamak na damit na galing sa sakong sisidlan ng anumang ani mula sa lupa. Mula noon hanggang ngayon nakilala ang mga anak ni San Francisco sa kanilang buhay na payak at mahirap, at hayagang pagmamahal at paglilingkod sa mga mahihirap, gayundin sa kanilang malalim na pagmamahal at paglilingkod kay Inang Kalikasan.


Nang ako ay hinuhubog bilang bagong Pransiskano, napadala tayo sa simbahan ng mga Pransiskano sa Santa Ana, Cagayan. Naging pastor natin ang batang-batang pari na si Fr. Ricky Ganisi. Doon sa halos dulo ng lalawigan ng Cagayan, natutuhan natin mula sa halimbawa ni Padre Ricky ang buhay ng isang Pransiskanong naglilingkod sa mga maliliit at mahihirap sa bahaging ito ng Region 2. Hanggang ngayon ay nananatiling buhay ang pagkakaibigan namin ni Padre Ricky. Madalas nating maalala ang malalim na tinig ng paring Pransiskano na laging merong baong ngiti maski saan siya magpunta.


Ganoon na lang ang aking pagkabigla noong isang araw, nang binulaga tayo ng larawan ni Padre Ricky sa social media na nagsasabing pumanaw na ang paring Pransiskano sa edad na 47. Hindi lang ako nagulat ngunit labis na nalungkot dahil sunud-sunod na ang pagkamatay ng mga kapatid nating Pransiskano sa mga nagdaang buwan. Hindi lang tayo nalulungkot at nanghihinayang dahil nabawasan ang mga paring naglilingkod sa mga mahihirap, kundi nabawasan ang isa pang saksi sa napakahalagang buhay ng pagmamahal at paglilingkod sa mga mahihirap at sa nanganganib nang Inang Kalikasan.

Hindi mapaghihiwalay ang dalawa, ang mga maliliit at mahihirap ng mundo at ang kalikasan. Sa lahat ng mga sakuna ng kalikasan mula bagyo, buhay sa pagbabago ng panahon (climate change), mga lindol na nagdudulot ng matitinding pagkasira at nakamamatay na tsunami, lubhang nakamamatay na init ng araw, mga sari-saring sakit na bunga rin ng mga ito, at marami pang iba, ang unang-unang tinatamaan at nagdurusa ay ang mga maliliit at mahihirap na mga tao sa mundo.


Kung nakakalimutan ito ng ilang bahagi ng lipunan o simbahan, naroroon ang mga anak ni Saint Francis, naroroon din si Papa Francesco upang magpaalalang huwag na huwag kalilimutan ang mga mahihirap at ang Inang Kalikasan.


Bagama’t patay na si Padre Ricky, isang anak ni amang Saint Francis, ang ningning ng kanyang buhay ay mananatiling buhay sa lahat ng kanyang minahal at pinaglingkuran sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Tuloy lang ang pagsaksi ng mga naiwanang anak ni Saint Francis. Tuloy lang ang pagsaksi ng mga Pransiskanong kapatid ni Padre Ricky sa ating bansa, lalung-lalo na ngayong lumalala ang paghihirap at dumarami na rin ang mahihirap sa isang bansang mayaman ngunit pinagsasamantalahan ng ilan na humaling na humaling sa kayamanan at karangyaan.


Salamat sa mga binhing itinanim mo sa puso ng mga minahal at pinaglingkuran mo,

Padre Ricky. Asahan mong hindi ko hahayaang mamatay ang ningning na ibinahagi mo rin sa aking buhay. Paalam at magkita tayo sa marami pang mga sandali ng pakikiisa sa mga dukha at kay Inang Kalikasan!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page