ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 30, 2025
Dear Chief Acosta,
May tanong ako tungkol sa trabaho ko bilang tindera sa isang sari-sari store. Naniniwala akong inalis ako ng walang legal na dahilan ng aking employer. Maaari ba akong magsampa ng reklamo laban sa aking employer dahil sa hindi legal na pagtanggal sa akin? Tanong ko lang din kung may karapatan ako sa mga money claims tulad ng backwages, separation pay, at iba pa? Maraming salamat. — Marissa
Dear Marissa,
Ang mga sari-sari stores ay mga maliliit na tindahan na karaniwang matatagpuan sa Pilipinas. Kadalasang nasa residensyal na lugar at pinatatakbo ng mga lokal na negosyante. Mahalaga ang kanilang papel sa lokal na komunidad at nagsisilbing maginhawang pinagkukunan ng mga pang-araw-araw na pangangailangan.
Ang mga sari-sari store ay itinuturing na “micro businesses” dahil sa kanilang maliit at limitadong saklaw. Kadalasan, ang mga ito ay may kaunting puhunan at pinalalakad ng mga indibidwal na negosyante o pamilya. Nakatutulong sila sa lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad sa trabaho at pagkakaroon ng kita para sa mga lokal na negosyante.
Karaniwan, ang mga produkto nila ay kinukuha mula sa mas malalaking mamamakyaw, kaya’t nakatutulong din sila sa mas malawak na supply chain.
Para sa iyong kaalaman, mayroong kasong napagdesisyunan ang ating Korte Suprema na nakasasaklaw sa iyong katanungan, kung saan ipinaliwanag na ang mga empleyado ng barangay micro businesses at enterprises ay may karapatan sa lahat ng proteksyong maaaring ibigay ng ating batas.
Ayon sa kasong Dominga Cabu-os vs. Teresita Espina, G.R. No. 228719, August 8, 2022, na isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Marvic M.V.F. Leonen:
“Considering a sari-sari store’s ubiquity and the State’s recognition of the informality of its operations, it is baffling why the National Labor Relations Commission and the Court of Appeals would treat petitioner's sari-sari store as it would any large-scale commercial enterprise. To award labor claims on this presumption would be unfair, unreasonable, and unconscionable.
This is not to say that employees of sari-sari stores do not deserve fair treatment under our labor laws. Here, it is clear that respondent was illegally dismissed, and petitioner should be made liable for that illegality. The protection of labor, however, must be balanced with the protection of establishments whose clientele mainly consists of the working class and the urban poor. When awarding labor claims, the tribunal must also consider the type of establishment employing the laborer.”
Sa iyong binanggit na sitwasyon, bilang isang tindera sa isang sari-sari store, may karapatan ka sa lahat ng proteksyong maaaring ibigay ng ating batas sa mga manggagawa. Kaya kung mapatutunayan na ikaw ay ilegal na tinanggal sa iyong trabaho, ikaw ay may karapatan din sa mga money claims tulad ng backwages, separation pay, at iba pa.
Gayunpaman, dahil sa maliit na kakayahan ng mga sari-sari store na kumita at sa kanilang exemption sa pagbabayad ng minimum wage, kung kuwalipikado sa batas, kinakailangan na ang mga labor tribunals ay kalkulahin nang patas ang magiging hatol sa iyong kaso dahil ang backwages at/o separation pay ay dapat naaayon sa aktuwal na sahod na natanggap.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments