ni Lolet Abania | June 28, 2020
Dahil sa lockdown at stay at home order, kumpleto ang pamilya sa araw-araw. Bonding-bonding at madalas tayong kumain. Minsan pa nga, katatapos palang ng breakfast, nagtatanong na agad si bunso kung anong ulam sa tanghalian. Siyempre, dapat mabilis mag-isip si mommy ng iluluto para hindi naman mga delata na bigay ng barangay ang ihahain. Heto ang mga puwedeng ilagay sa menu natin everyday para busog-lusog pa rin ang pamilya.
Spicy Adobo (Manok o Baboy). Ito ang paborito ng lahat ng Pinoy dahil madali lang lutuin at walang masyadong kailangan na rekado. Puwede ring samahan ng patatas para may gulay at konti sili, siguradong mapapakain sila ng marami.
Sinigang (Baboy o Baka). Masarap ito lalo na ngayong nagsisimula na ang tag-ulan. Tumutunog ang paghigop ng mainit at maasim na sabaw kapag nag-umpisa na ang tanghali ng pamilya. Marami rin itong masustansiyang gulay na rekado.
Inihaw na isda (Bangus o Tilapia). Kamayan ang lahat kapag ito ang inihain. Samahan mo pa ng sawsawan na suka o kaya toyo at kalamansi. Para na ring nasa boodle fight sa hapag-kainan ang buong family.
Lechon Kawali. Siguradong kanin ang makakain kapag ito ang ka-partner na ulam. Pero siyempre, hinay-hinay sa mga high blood at oldies natin dahil pihadong putok-batok ito sa inyo, lalo na ang malutong na balat nito.
Nilasing na Hipon. Ternuhan mo ito ng sinangag, for sure mauubusan ka sa food sa sarap ng ulam. Matipid din ito dahil sa isang hipon lang, maraming sinangag o kanin ang makakain. Sulit kumbaga ng budget kahit medyo mahal ang kilo nito at siyempre masustansiya pa.
Marami pang masasarap na pagkain tayong mga Pinoy na talaga namang kahit na may pandemya, hindi puwedeng makalimutan nating kainin, tulad ng tuyo at champorado, kare-kare at bagoong na, puto at dinuguan at maraming iba. Tandaan na anuman ang problema, laging maging masaya dahil tayo ay magkakasama.
Comentários