Sarah Discaya: Smart housing project para sa mga residente ng Pasig
- BULGAR
- 7 minutes ago
- 2 min read
ni Chit Luna @News | Apr. 22, 2025
Pasig City — Inanunsyo ni mayoral candidate Sarah Discaya, Chief Financial Officer ng St. Gerrard Construction and Development Corporation, ang paglulunsad ng isang makabagong proyektong pabahay sa Lungsod ng Pasig.
Bahagi ito ng kanyang adbokasiya na gawing progresibong “smart city” ang Pasig sa pamamagitan ng modernong urban development.
Ang itatayong 11-palapag na gusali ay hindi lamang ligtas na tirahan kundi bahagi rin ng programang pangkabuhayan.
Ayon kay Ate Sarah, ang isang tahanan ay hindi ganap kung wala itong kasiguruhan sa hanapbuhay, kaya’t pinagsasabay ang pabahay at kabuhayan upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga residente.
Strategic ang lokasyon ng proyekto dahil malapit ito sa mga komersyal na lugar, kaya’t mas madali na makahanap ng trabaho o magsimula ng negosyo.
Bilang eksperto sa konstruksyon, isinusulong ni Ate Sarah ang episyenteng paggamit ng mga natitirang lupa sa lungsod upang makapagpatayo ng dekalidad na pabahay nang hindi sinasakripisyo ang espasyo at kalikasan.
Bagama't pabahay ang flagship project, layunin ng kanyang plataporma na tugunan ang mas malawak na pangangailangan ng mga Pasigueño at tiyaking may access ang lahat sa mga pangunahing serbisyo.
Tiniyak din ni Ate Sarah na magiging patas ang implementasyon ng mga proyekto at programa sa buong lungsod.
Aniya, walang dapat maiwan sa proseso ng pag-unlad, at layunin niyang maisakatuparan ang isang inklusibo at makatarungang pamahalaang lokal para sa bawat mamamayan ng Pasig.
Ang smart housing project ay simbolo ng kanyang pangako para sa isang mas maunlad at makabagong Pasig.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, binibigyang pag-asa ang mga residente na magkaroon ng disenteng tirahan at matatag na kabuhayan.
Bagama't nakatuon sa Pasig ang kasalukuyang implementasyon, may posibilidad na palawakin ang proyektong ito sa iba pang lungsod.
Ayon kay Ate Sarah, maaari itong magsilbing modelo ng modernong pabahay na sinusuportahan ng teknolohiya, kabuhayan, at serbisyong panlipunan para sa mas maraming Pilipino.