top of page
Search
BULGAR

Sara-P-Du30, No. 1 sa survey sa pagka-pangulo at VP sa 2022


ni Lolet Abania | July 13, 2021


Parehong nanguna sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at Pangulong Rodrigo Duterte sa pinakabagong survey ng Pulse Asia na posibleng pumasok sa pagka-pangulo at pagka-bise-presidente sa eleksiyon sa 2022.


Sa isinagawang survey ng Pulse Asia noong Hunyo 7 hanggang Hunyo 16, lumabas na nakakuha ng 28% na suporta si Mayor Sara mula sa 2,400 matatandang Pinoy na tinanong sa nais nilang susunod na lider ng bansa.


Kasunod si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na may 14%, dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na may 13%, at Senador Grace Poe na may 10% suporta.


Nakabilang din sa listahan sina Senador Manny Pacquiao na may 8%, Vice-President Maria Leonor “Leni” Robredo na may 6%, at Senador Panfilo Lacson, 4% suporta.


Pasok din sa listahan sina Senador Bong Go na may 3%, dating Vice-President Jejomar “Jojo” Binay, dating Speaker Alan Peter Cayetano at dating Sen. Antonio Trillanes IV, na nakakuha ng tig-2% suporta.


Mababa naman sa 1% ang nakuha nina Sen. Richard Gordon, dating Associate Justice Antonio Carpio, dating House Speaker Pantaleon Alvarez, at dating Defense Secretary Gibo Teodoro. Para sa Second Choice Presidential Preference ng survey, nanguna pa rin si Mayor Sara na sinundan nina Poe, Marcos, Pacquiao at Go, sa top five.


Sa mga posibleng tumakbong bise-presidente, nanguna sa listahan si Pangulong Duterte na may 18% na puntos. Sumunod sina Mayor Isko na may 14%, Senate President Vicente Sotto III na may 10%, dating Sen. Marcos na may 10%, Sen. Pacquiao na may 9%, dating Speaker Cayetano na may 8%, at Sorsogon Governor Francis Escudero na may 7% puntos.


Pasok din sa listahan sina Senador Bong Go na may 5%, ang host ng ‘Wowowin’ na si Willie Revillame na may 4% at Senador Sonny Angara na may 3% suporta. Kapwa nakakuha naman ng tig-2% sina Trillanes at Public Works Secretary Mark Villar at 1% si Teodoro. Mababa naman sa 1% ang nakuha nina Rep. Alvarez at human rights lawyer Chel Diokno.


Ayon sa Pulse Asia, face-to-face interviews ang paraan ng survey para sa 2,400 adult Filipinos na botante, habang may ±2% error margin na may 95% confidence level. “Subnational estimates for each of the geographic areas covered in the survey (i.e., Metro Manila, the rest of Luzon, Visayas and Mindanao) have a ± 4% error margin, also at 95% confidence level,” pahayag pa ng Pulse Asia.


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page