ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 30, 2023
Karaniwan nang iniuugnay ang unan sa pagtulog at pamamahinga. Ngunit, may mga pagkakataon na nagiging kasangkapan ang unan hindi sa pagpapagaan ng buhay kundi sa pagkitil nito.
Ganito ang mapait na pangyayari sa kasong hawak ng aming tanggapan, ang People of the Philippines vs. Michael Durana y Albarico (CA G.R. CR No. 12929, February 11, 2022, na isinulat ng kagalang-galang na Court of Appeals Associate Justice Tita Marilyn B. Payoyo-Villordon [12th Division]). Ang insidenteng naganap sa nasabing kaso ay isang krimen. Dahil dito, may pumanaw na biktima. Hindi nito nakamit ang katarungan dahil sa kawalan ng testigo at depektibong pag-amin ng suspek. Kaya naman, hanggang ngayon dumadaing pa rin ang yumaong biktima ng hustisya. Narito sa ating artikulo ngayon, ang kuwentong nakapaloob sa naturang kaso.
Ang mithiin ng bawat kaso na mayroong kaugnayan sa pamamaslang ay ang makamit ang hustisya para sa namayapang biktima. Subalit, mayroong mga pagkakataon na sadyang hindi sapat ang ebidensya na naipresenta ng panig ng taga-usig, kung kaya ang hatol ng hukuman ay pagpapawalang-sala sa akusado. Bagama’t ito ay tila kawalan ng hustisya para sa pumanaw na biktima at sa kanyang mga naulila, nararapat lang ito para sa taong maling naakusahan. Tulad na lamang ng nangyari kay Michael at sa namayapang si Conchita.
Si Michael ay nangupahan sa isang silid sa Maynila, kasama si Louie. Ang silid na ito ay nasa unang palapag ng bahay kung saan nakatira si Conchita at ang kanyang pamilya.
Sa kabilang silid ng parehong palapag ng bahay naman nakatira ang pamilya ni Irma, anak ni Conchita.
Sa bersyon ng prosekusyon, noong Hulyo 2, 2008, alas-12:30 ng hatinggabi, umuwi sina Michael at Louie sa inuupahang silid. Nakita sila ni Irma, na noon ay naghihintay sa pag-uwi ng kanyang asawa na si Emmanuel. Napansin nito na tila nakainom ang dalawa.
Bandang ala-1:00 ng hatinggabi nakauwi si Emmanuel. Nakita pa nilang mag-asawa na nakahiga sa kanyang kama si Conchita, na nasa unang palapag lamang din ng nasabing bahay, nang sila ay pumasok sa kanilang silid.
Alas-3:30 ng madaling-araw, nagising si Irma upang maghanda ng pagkain at damit ng kanyang mga anak nang mapansin niyang nakabukas ang pinto ng kanilang bahay.
Matapos ay napansin ni Irma na nakabaluktot sa pagkakahiga si Conchita, ang mukha nito ay natatakpan ng unan at tila hindi na humihinga. Hinawakan niya ang kaliwang braso ni Conchita, subalit hindi ito gumalaw. Kung kaya humingi ng tulong si Irma, at agad na lumabas ng kanilang silid si Emmanuel at tinanggal ang unan na nakatakip sa mukha ni Conchita, rito nila nakita na wala na itong buhay.
Agad na ginising ni Irma ang ibang mga kasama sa bahay, kabilang sina Michael at Louie.
Ipinaalam niya rin kay Punong Barangay Villanueva ang malagim na nangyari at humingi ng tulong para ipaalam ito sa mga pulis.
Matapos ang inisyal na imbestigasyon sa pinangyarihan, inanyayahan sa istasyon ng pulis ang mga umuukupa sa bahay. Subalit si Michael at Louie ay hindi nakadalo. Si Michael ay pumasok na sa trabaho noong oras na iyon.
Bandang alas-6:00 ng gabing iyon ay wala pa ring suspek sa krimen, muling inaanyayahan sa istasyon sina Michael at Louie, at dalawa pang nakatira rin sa naturang bahay. Habang kausap ni PO3 Ruiz si Michael, napansin nito na mayroong mga kalmot sa braso si Michael, nang tanungin siya, sinabi ni Michael na nakuha niya ito sa pakikipagharutan sa mga kasamahan sa trabaho. Hindi kumbinsido si PO3 Ruiz, kung kaya ay kinonsidera bilang suspek sa pamamaslang si Michael.
Makalipas ang dalawang araw ay umamin diumano si Michael kay PB Villanueva na siya ang pumaslang sa biktima. Narinig umano ito ng ibang mga nakapiit at nakuhanan diumano ng panayam ng isang reporter ang pag-amin ni Michael. Isinulat din nito ang naturang pag-amin. Mariin namang itinanggi ni Michael ang paratang laban sa kanya.
Aniya, pinilit lamang siyang paaminin ng mga pulis at pinaniwala na siya ay palalayain kung siya ay aamin. Ang pagsulat niya ng kanyang pag-amin ay ginawa rin diumano nang walang presensya ng abogado.
Matapos ang paglilitis sa Regional Trial Court (RTC), binabaan ng hatol para sa kasong murder si Michael. Maliban sa parusang pagkakakulong ay pinagbabayad din siya sa mga naulila ng biktima para sa pinsala at mga gastos sa pagpapalibing.
Umapela si Michael sa naturang desisyon ng Court of Appeals (CA). Iginiit niya na walang patunay na siya ang salarin at dapat hindi rin tanggapin bilang ebidensya ang ginawang sapilitang pagpapaamin sa kanya.
Sa pagsisiyasat ng CA, napuna ng hukuman na wala ni-isang testigo ang nakakita na ang akusado ang kumitil sa buhay ng biktima. Bagama’t walang direktang ebidensya at maaaring ibatay ang hatol sa circumstantial evidence, hindi rin sapat ang naipresentang mga sirkumstansya ng prosekusyon upang hatulan ng conviction ang akusado.
Una, ang mga kalmot sa braso ng akusado ay hindi napatunayan na nagmula sa biktima.
Ito ay sa kabila ng ginawang paggupit at pagkuha ng mga kuko ng naturang biktima.
Ikalawa, ang pag-amin ng akusado, ay ginawa rin nang walang presensya ng abogado.
Sa isang banda, sinasabi ng prosekusyon na malayang umamin ang akusado, ngunit iginigiit naman mismo ng akusado na siya ay pilit lang pinaamin ni PB Villanueva at ng mga pulis upang siya ay palayain. Binigyang-diin ng CA, sa panulat ni Honorable Associate Justice Tita Marilyn B. Payoyo-Villordon:
“The term “voluntary” means that the accused speaks of his free will and accord, without inducement of any kind, and with a full and complete knowledge of the nature and consequences of a confession, and when the speaking is so free from influences affecting the will of the accused, at the time the confession was made, that it renders it admissible in evidence against him.”
Dahil sa naturang pagkakasalungat, nabuo ang pagdududa sa isip ng hukuman, at dahil mayroong makatuwirang pag-aalinlangan o reasonable doubt na si Michael ang gumawa ng krimen, siya ay pinawalang-sala ng CA.
Dalangin pa rin na sana ay matukoy na kung sino ang gumawa ng hindi makataong pamamaslang kay Conchita upang siya ay malitis at pagbayarin sa karumal-dumal niyang ginawa; para na rin makamit ng yumao ang katarungan at katahimikan ng kanyang kaluluwa.
Comentarios