ni Lolet Abania | May 5, 2021

Pansamantalang itinigil ng gobyerno ng Hong Kong ang plano na gawing mandatory ang pagbabakuna ng COVID-19 vaccines sa mga dayuhang kasambahay matapos na umapela ang human rights group dahil anila, isang uri ito ng diskriminasyon.
Batay sa ulat na inilabas ng Reuters, ipinag-utos umano ng Hong Kong authorities na ipa-test sa COVID-19 ang lahat ng dayuhang kasambahay bago sumapit ang Mayo 9.
Ibinaba ang kautusan makaraang madiskubre na nagpositibo sa mas nakakahawang variant ng COVID-19 ang isang kasambahay na nanggaling sa Pilipinas. Gayundin, kinakailangan na mabakunahan na kontra-COVID-19 ang kasambahay bago ma-renew ang kanilang kontrata.
Gayunman, ayon kay Hong Kong leader Carrie Lam, sinuspinde na nila kahapon ang direktiba na mandatory vaccination dahil sa mga reklamo ng mga grupo ng mga manggagawa, pati na rin ang ilang opisyal sa Pilipinas.
“I have asked the secretary for labor to review the whole policy, and to consult advisers and consulates for the countries where domestic workers primarily come from as to whether compulsory vaccinations can be done,” ani Lam.
Subalit giit ni Lam, hindi maituturing na discriminatory ang gagawing mandatory COVID-19 vaccination habang target naman nilang tapusin ang mandatory testing para sa lahat ng domestic workers sa Mayo 9. Karamihan ng mga babaeng kasambahay ay galing sa Pilipinas, Indonesia, Nepal at Sri Lanka, kung saan naninirahan sila sa kanilang mga amo. Ikinatuwa naman ng chairperson ng United Filipinos in Hong Kong na si Dolores Balladares, ang suspensiyon ng mandatory vaccination sa mga domestic workers.
“We welcome the suspension of mandatory vaccines, but we are calling for scrapping the mandatory testing and vaccine policy entirely, as it punishes and criminalizes domestic workers,” ani Balladares sa Thomson Reuters Foundation.
“We are in favor of testing and vaccination on a voluntary basis. But singling us out and making it mandatory is discriminatory and leads to further stigmatization,” dagdag pa ni Balladares
Comments